Malungkot na birthday
Birthday ko’y sasapit
At ito’y darating na walang pagsala
Sa kanyang pagdating dapat ay masaya;
Subalit sa ngayon
Yaring aking puso ay laging may dusa’t
Magiging malungkot
Ang kaarawan kong ngayo’y malapit na!
Paanong di gayon
Sa ang aking mahal na mutya ng puso,
Ay biglang nawala
At kung nasaan na ay hindi ko tanto;
Mayroong nagsasabi
Na siya’y sumama sa dating kasuyo
Na nakabalikan
Nang sila sa landas ay muling magtagpo!
May nagsabi namang
Ang mutya kong giliw kung kaya nawala,
Nagtampo sa akin
Nang minsang makitang ako’y may kasama
Na magandang mutya
Na sa totoo lang ay hindi kaiba
Pagka’t siya’y dilag
Na pinsan kong buo sa panig ni Ama!
Kaya sa pagsapit
Ng aking pagsilang dapat magdiriwang,
Tanging ang puso ko
Nagdadalamhati sa lumayong hirang;
Kaya ang dalangin
Sa dakilang araw na ngayo’y daratal
Magbalik ka sinta
Na tanging ligaya nitong aking buhay!
- Latest