^

PSN Showbiz

"Naloloka ako sa mga pinagsusulat tungkol sa akin" - Matet

-
Nagulat si Matet de Leon nang sabihin ko sa kanya noong isang linggo na ipinalabas ang pelikula niyang Pangarap ng Puso sa Singapore International Film Festival kamakailan. Isa ito sa mga huling ginawa ni Mario O’Hara na masasabing natatangi. Naging rape victim dito si Matet. "Maganda yung pelikula," sabi ng 17-anyos na teenstar. "Kaya lang, hindi masyadong naintindihan ng mga tao kaya konti lang ang nakapanood. Parang hindi nagustuhan ng mga ordinaryong tao. Malalim kasi."

Nagsimula si Matet bilang child star noong mid-80s. "Yung mga pelikula ko noong bata pa ako, pinagtatawanan ko lang pag napapanood ko ngayon. Ang liit-liit ko pa kasi noon. Ang pinakagusto kong pelikula noon, yung One Plus One Equals Ten Plus One, kasi ang dami kong kalaro, ang saya!"

Trese anyos nang magbalik-pelikula si Matet sa Shake, Rattle and Roll 6 noong 1997. Sinundan ito ng Pangarap ng Puso at Abakada Ina, pagkatapos. Sa pagitan ng pelikula, TV guestings ang inaasikaso ni Matet gaya nitong Kasangga kamakailan sa Syete. "Basta masaya lang ako sa trabaho ko, ke pelikula man o telebisyon, okey lang," aniya.

Nag-elementary si Matet sa OB Montessori at Sunhill. Sa St. Paul at DECS naman siya nag-high school. Sa ngayon, stop muna ang schooling niya. "Hindi ko pa alam kung magpapatuloy ako ng pag-aaral. Bale second year high school lang ako ngayon. Pinag-iisipan ko kung magpapatuloy ako ng pag-aaral. Kasi, baka masayang lang. Baka puro trabaho, kasi. Kung mag-aaral ako uli ngayon, home study na lang. Masaya naman ang acting career ko ngayon. Nagpapasalamat ako at nagugustuhan nila ako. Yung kinikita ko, sa akin lang, pero sini-share ko sa mga kapatid kong bata sa akin, kina Kenneth at Kiko. Ang laki na ni Kiko ngayon, mataba pa."

Si Harold Macasero, 19, ang boyfriend ni Matet. Regular cast ito ng Anna Karenina. "Nakilala ko siya sa birthday party ni Sunshine Dizon last year. One year and two months na kami. Na-meet na naman siya ng mommy at daddy ko, pati mga kapatid ko. Okey naman."

Kahit tatay ni Matet si Christopher de Leon, hindi siya lumaking kasama ito sa bahay ng mommy niyang si Nora Aunor. "Medyo mahirap lumaki na wala sa tabi mo ang daddy mo, di ba? Yung presence niya ang importante. Pero okey lang. Kasi, every Christmas naman, nakikita namin siya. Mas naging close ako sa kanya ngayon, kasi, mas nakakausap ko na siyang mabuti."

Kumusta naman ang relasyon nila ng Mommy Nora niya? "Nitong matalo siya sa nakaraang election, ti-next ko naman siya dahil gusto kong magkaroon din siya ng peace of mind. Feeling ko, pana-panahon lang yang pananalo sa pulitika. Hindi naman niya kasalanan na natalo siya, di ba? Hindi lang panahon ng mommy ko ngayon. Mabait naman siya. Sabi ko sa kanya, subukan niya ulit next election.

"Hindi ako nakatulong sa pangangampanya sa mommy ko noon. Kasi, sumabay sa promo ng Abakada Ina saka may iba pa akong ginawa. I helped my mom through prayers. Saka ipinagtatanggol ko siya dun sa mga naninira sa kanya, yung mga galit-galit sa kanya. Nanalo na nga sila, kung anu-ano pa ang sinasabi sa mommy ko!"

Sabi ni Matet, lagi siyang nakakabasa ng negative write-ups sa kanya na puro imbento lang namang lahat. "Lagi na lang, nababasa ko, nagwawala raw ako. Nagwala raw ako sa ganitong lugar, sa ganung lugar. Eh ni hindi ko pa naman napupuntahan yung sinasabi nilang lugar na yon! May minura raw ako sa Cybercafe? Hello! Eh ni hindi pa nga ako nakakapunta dun! Ang pinagkakainan ko lang, McDo saka Jollibee! Diyos ko, hindi nga ako mahilig sa mga restaurants. Nagwala raw ako na kasama ko yung boyfriend ko. Eh wala akong matandaan na ganung pangyayari. Naloloka na lang ako sa ibang pinagsusulat tungkol sa akin. Bahala sila! Dun sila masaya, okey lang."

Posibleng sumikat sa showbis si Matet tulad ng ate Lotlot niya noon. Nasa katanyagan ng kanyang career si Lotlot noon nang bigla itong magpakasal kay Ramon Christopher. Gagayahin ba ni Matet ang ate niya ngayong seryoso ang relasyon niya sa boyfriend niya? "Seryoso kami pero hindi pa namin alam ng boyfriend ko kung saan aabot yon, kung aabot sa kasal in the future, bahala na. Yung tungkol sa nangyari kay ate Lotlot noon, matagal na naming pinag-usapan. Kasi, ayaw na niyang mangyari sa akin yung nangyari sa career niya. Gusto niya, mag-aral muna ako para hindi ako mahirapan. Kinakausap ako ni ate Lotlot pag may naririnig siyang mga mali ko. Lagi siyang andiyan para mag-advice. Napakabait ng ate ko. Close din ako sa husband niya. Tumira ako sa kanila noon, mga isang taon."

Nakatirang mag-isa si Matet ngayon sa isang bahay sa Marcos Highway. "Wala akong kasama kundi aso," sabi niya. "Naghahanap pa ako ng maid. Isang taon na akong nagsosolo. I just want to try something new. Wala lang. For experience lang. Baka kaya ko nang maging independent. Okey lang, kaya ko naman. Fulfilled naman ako dahil ngayon, marunong na akong magbayad ng bills, mamalengke, mag-grocery, kung anik-anik!

"Bago ako nag-decide na mag-solo, kinausap muna ng ate ko ang mommy namin. Before ako nag-solo, si ate Lotlot ang kasama ko, sa iisang bahay. Ako na ang bumibisita sa mga kapatid ko pag nalulungkot ako. Punta ako kay ate Lotlot. Punta ako kay Kuya Ian. Siyempre, pag nagpunta kay Kuya Ian at sa wife niya, punta na rin ako sa daddy ko dahil nasa iisang compound lang sila. Kaya masaya."

Hindi ba siya nagpupunta sa bahay ng mommy Nora niya? "Eh lagi naman siyang wala sa bahay, eh! Kaya tini-text ko na lang siya. Hindi ko alam kung ano ang ugali ng mommy ko na nakuha ko sa kanya. Ayoko, baka mabasa niya, magalit pa siya sa akin! Basta magaling siyang aktres at hanggang ngayon, walang makakapantay sa kanya!"

Si Aiza Seguerra ang archrival ni Matet noong child stars pa sila. Mas nagtagal sa pag-aartista noong bata si Aiza. Pero nitong magdalaga siya, mas ninais na lang nitong maging singer. "Naku, favorite ko siya. Ang ganda-ganda ng kanyang "Pagdating ng Panahon"! Sobrang ganda talaga!" biglang sabi ni Matet. "Yung pagiging tomboy niya, hindi ko alam iyon. Siguro, parang boyish lang. Hindi ko masasabing tibo siya. Eh ako nga, nung 13, boyish ako, hanggang ngayon nga, boyish ang galaw ko. Pero hindi porke boyish, tibo na. Ngayon, pag magkasama kami, ayos lang. Kasi, pareho lang kami. Hindi ako maarte, hindi siya maarte."

vuukle comment

AKO

LANG

LOTLOT

MATET

NAMAN

NGAYON

NIYA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with