Pang-Masa ( Leaderboard Top ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

EDITORYAL - Armadong tanod, disarmahan

YANTOK na pamalo lamang ang dapat dalhin ng mga barangay tanod sa pagpapatrulya sa gabi. Ang role nila sa barangay ay para magpanatili ng kaayusan at katahimikan sa barangay. Tumutulong sa pangangalaga ng komunidad. Maliban doon ay wala na silang dapat pang gawin.

Pero nang maganap ang shooting incident sa Bgy. Addition Hills sa Mandaluyong noong gabi ng Disyembre 28 kung saan isang van ang pinagbabaril habang nagdadala ng sugatang babae sa ospital, napag-alamang dalawang barangay tanod pala ang mga unang bumaril dito.

Nang rumesponde ang mga pulis na tinawag ng mga tanod, lalo nang naging madugo ang mga sumunod na pangyayari. Walang patumanggang pinaulanan ng bala ang van sa kabila na wala namang nakikipagpalitan ng putok. Natadtad ng bala ang van na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang tao na nasa loob at pagkasugat ng dalawang iba pa. Ang napatay ay ang driver at ang babaing dadalhin sana sa ospital. Malubhang nasugatan ang dalawang kasama.

Ang masakit pa, lumabas sa pagsusuri ng SOCO na may powder gun umano ang mga napatay na biktima. Nagpupuyos sa galit ang mga kaanak ng biktima sapagkat paano magkakaroon ng powder gun ang mga napatay ay wala namang dalang baril ang mga ito.

Mga armadong tanod ang nagsimula ng kaguluhang ito. Dahil sa kanilang walang puknat na pamamaril kaya nakibaril na rin ang mga pulis. Mali ang sumbong ng mga tanod na ang suspect ay nasa puting van. Kung hindi namaril ang mga tanod, maaring hindi tumulad sa kanila ang mga pulis. Hanggang sa kasalukuyan hindi pa nahuhuli ang mga tanod na namaril.

Utos ni PNP chief Ronald dela Rosa na disarmahan ang mga tanod na may baril. Delikado ang mga ito. Hindi sila dapat magdala ng baril. Sa halip na tumahimik sa barangay, lalong gumulo dahil sa kanila. Matyagan ang mga de-baril na tanod.

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1
  • Follow Us: