Pang-Masa ( Leaderboard Top ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

EDITORYAL - Sibakin nang sibakin

NGAYONG araw na ito ay meron umanong sisiba­king opisyal ng gobyerno si Pres. Rodrigo Duterte. Mataas na opisyal umano ito at kaya sisibakin ay dahil sa graft and corruption. Kung magkakatotoo, ito ang unang opisyal na masisibak sa 2018. At maaaring masundan pa ang mga sisibakin sapagkat nagbabala na si Duterte noon pa na huwag lang siyang makakaamoy ng corruption sa tanggapan at tiyak na sisibakin niya. Kaya ang payo niya sa mga opisyal ng gobyerno na naaakusahan ng graft, magkusa nang magbitiw kaysa naman ipahiya niya. 

Maraming sinibak noong nakaraang taon ang Presidente. Kabilang sa mga sinibak niya si DILG secretary Ismael Sueno dahil sa maanomalyang truck deal. Sunod niyang sinibak si National Irrigation Administration (NIA) chief Peter Laviña na naakusahang humihingi ng pera sa contractors.

Noong nakaraang buwan, sinibak niya sa puwesto si Urban Poor head Terry Ridon at apat na commissioners dahil sa madalas na pagbibiyahe sa ibang bansa. Nagbibiyahe umano si Ridon kahit walang kaugnayan sa trabaho. Isang beses din lang umanong nagmiting sina Ridon na may kaugnayan sa trabaho.

Sinibak din ni Digong ang presidente ng Development Academy of the Philippines na si Elba Cruz dahil sa madalas na pagbibiyahe sa ibang bansa at ang hindi magandang patakaran nito sa tanggapan na pag-terminate sa sinumang kakalaban sa kanya. Nag-aappoint din umano si Cruz ng non-plantilla officers sa ilang maseselang posisyon.

Noong nakaraang buwan din, sumingaw ang maluhong Christmas party ng PCSO kung saan gumastos ng P6 milyon. Ganunman, dinepensa ni PCSO general manager Alexander Balutan na karapat-dapat magkaroon ng party ang mga empleado dahil nagtatrabaho sila nang maayos at dibdiban.

Sige, sibakin nang sibakin ang mga corrupt sa pamahalaan. Huwag hayaang maubos ang pondo na ang tanging nakikinabang ay mga “buwaya”. Habang marami ang nagtitiis sa hirap at walang makain, maraming opisyal ang nagpapasasa sa pera ng bayan. Panahon na para sila walisin!

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1
  • Follow Us: