^

Punto Mo

Major Terte balik sa dating gawi?

SUPALPAL! - Non Alquitran - Pang-masa

MAG-INGAT dapat si Chief Insp. Remedios Terte, ang hepe ng Police Community Precinct 5 (PCP5) ng Pasay police kung nais niyang makaiwas sa hagupit ni Pres. Digong. Nasa kasagsagan kasi ng kanyang kampanya laban sa scalawag cops, lalo na ‘yaong sangkot sa droga at corruption, itong si Digong at malaki ang tsansang tamaan si Terte ng kidlat kung hindi siya magbago. Sinabi kasi ng mga kosa ko sa Pasay police na si Terte ay nagdi-demand ng P5,000 grease money sa lahat ng gambling lords na papasok sa hurisdiksiyon niya. Hindi lang ‘yan! Nais pa ni Terte na mayroon siyang timbre na P1,500 kada araw. Hak hak hak! Ano ba ‘yan? Hindi na public service ito na sinumpaan ni Terte kundi bulsa service, di ba mga kosa? Samantalang ang mga barangay chairman ay P1,000 o kapag mahina ay P500 lang kada linggo subalit abo’t langit itong ikinakasa ni Terte. Boom Panes! Hak hak hak! Kapag nakarating kay Digong itong pananalasa ni Terte, tiyak may kalalagyan siya, di ba mga kosa?

Hindi na bago sa sigalot tungkol sa pera si Terte. Sa pagkatanda ko, dating hepe ito ng PCP 3 kung saan na-relieve rin siya dahil sa reklamo ng isang Intsik na nawawala ang kanyang pera. Sinabi ng complainant na nabiktima siya ng limang kabataan na “salisi” operation noong Agosto at nawala sa kanya ang 10,000 Euros, $7,000 at P26,000. Nahuli ng mga tauhan ni Terte ang dalawang suspect subalit kapiranggot lang ang naibalik na pera kaya nagreklamo ang Intsik. Para malinis ang imahe ng Philippine National Police (PNP) ni-relieve ni NCRPO chief Dir. Oscar Albayalde si Terte, kasama na ang kanyang 35 tauhan. Subalit matapos tumahimik ang kapaligiran, nakabalik sa puwesto si Terte at heto na naman balik din siya sa dating gawi. Ano ba ‘yan? Hak hak hak! Baka naman itong mataas na lingguhang tong ang paraan ni Terte para hindi lumaganap ang pasugalan sa kanyang hurisdiksiyon? Puwede, di ba mga kosa? Tumpak!

Kung tingnang maigi kasi mga kosa, parang hindi pa nag-sink in kay Terte itong cleansing ni Digong sa hanay ng PNP laban sa mga pulis na sangkot sa droga at corruption kung itong action niya ang gagawing basehan. Subalit manginginig lang siguro ang ating kapulisan kung tuluyang sibakin ni Digong sa linggong ito ang tatlong superintendents o Lt. Col. Sa military at aabot sa 60 o 90 na mga pulis na napatunayang sangkot sa droga at corruption. Abot naman natin mga kosa na palaging nagbibiro at nanakot itong si Digong subalit mukhang seryoso siya sa cleansing sa PNP at mahirap na baka abutin ng delubyo si Terte, di ba mga kosa? Baka naman nais lang ni Terte na maganda ang mga pamasko niya sa mga inaanak at kamag-anak kaya nagpataas siya ng presyo sa kanyang lingguhang tara. Boom Panes! Hak hak hak! Kanya kanyang gimik lang ‘yan!

Sinabi naman ni Albayalde na hindi niya alam kung may taga-NCRPO sa mga kakalusin ni Digong na sangkot sa droga at corruption dahil hindi sa kanya galing ang listahan. Sinang-ayunan ni Albayalde ang tinuran ni PNP chief Dir. Gen. Bato dela Rosa na kokonti na lang ang bilang ng mga pulis na scalawags dahil dati-rati aabot sa mahigit 100 ang reklamong natatanggap nila kada araw subalit sa ngayon ay halos apat na lang. Wow! Hak hak hak! Totoo kaya ito? Ano sa tingin mo kosang Nick Ferrer?

Sinabi naman ng mga kosa ko sa NCRPO na dapat isama rin sa mga tatagpasin ni Digong sina SPO4 Gener “Paknoy” Presnedi, ng Manila Police District at SPO4 Roberto “Obet” Chua, ng Criminal Investigation and Detection Group, na kapwa financier ng bookies ng karera sa Manila. Kasi nga, ayon kay Digong, halos tulad din sila ng mga pulis na sangkot sa droga na pinapasuwelduhan ng gobyerno subalit ang isinusulong ay ang interes nila-ang sugal nga. Parang tinamaan ng double whammy ang gobyerno ni Digong. Get’s n’yo mga kosa? Boom Panes! Abangan!

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with