^

Punto Mo

‘Para sa money remittance centers…’

BITAG - Ben Tulfo - Pang-masa

USONG-USO ang mga nabibiktima ng mga kawatan sa mga perang padala ngayon. Sa social media bumabaha ng mga hinaing hinggil sa pagkawala ng perang pinadala nila sa kanilang mga mahal sa buhay.

Ang siste kasi, may impostor na kumukuha ng perang ipinadala kahit hindi naman sa kanila nakapangalan. Ang masahol dito, hindi dapat sa ganoong lugar din kinuha ang perang pinadala.

Malupet, mas mabilis pa sa alas kuwatro ang pagkuha ng mga kawatan kaysa sa totoong pinagpadalahan. Isa sa mga biktima ng ganitong modus ay lumapit sa BITAG.

Reklamo ng ginang, may kumuha ng perang ipinadala niya sa Palawan Express na para sana sa anak niyang nakatira sa Batasan, Quezon City. 

Ang kakatwa sa reklamong ito, hindi pa man nai-text ng ginang sa kanyang anak ang tracking number ng perang pinadala, nauna ng nag-text ang Palawan Express sa kanya na nakuha na raw ang pera.

Ang kawatan, sa Negros Occidental pa nakuha ang perang nagkakahalaga ng P700. Maliit na halaga kung tutuusin ngunit malaking perwisyo para sa ginang at kontrobersiya naman sa kompanyang Palawan Express.

Hindi na sana lalapit pa sa amin ang ginang kung agad umaksiyon ang pamunuan ng Palawan Express. Ang problema, nagreklamo na sa kanila ang biktima subalit ang tanging sinagot ng remittance center na ito ay “wala raw silang magagawa dahil nangyari na.”

Aba teka, ang lagay eh may sindikatong naglalaro sa loob ng inyong mga tanggapan at may nabiktima na eh pababayaan n’yo na lang? Para n’yo na ring sinabing, hayaan mo lang gawin ng kawatan ang gusto niya sa loob ng kompanya namin!

Sa Kilos Pronto, sa ere, nangako ang head ng customer care ng Palawan Pawnshop na iimbestigahan nila at aasikasuhin ang nangyari sa biktima. Tutulong na rin ang Bangko Sentral para sa imbestigasyon.

Kayong  remittance centers, huwag ipagwalambahala ang ganitong mga reklamo laban sa inyong kumpanya. Dahil wala kayong kamalay-malay, napasok na kayo ng sindikato at sa loob mismo ng inyong mga bakuran ay gumagawa ng kababalaghan.

Kaakibat ng lisensiyang ipinagkaloob sa inyo para magnegosyo ang responsibilidad at mayos na serbisyo sa inyong mga kostumer. Ang malaking katanungan lagi diyan ay nasa inyo ang pera, sa inyo ipinadala, at nasa inyo rin ang seguridad, ay bakit kung sinu-sino ang nakakakuha.

Kung ang mga patalastas n’yo sa radio, telebisyon at radyo ay pera padalang mura, mabilis at walang kuskos-balungos, ganundin dapat ang aksyon n’yo kapag nagkaroon ng aberya.

Maaari kayong makipagtulungan sa media katulad namin sa BITAG at Kilos Pronto para masilo ang mga dorobong magnanakaw at sindikato sa likod nito.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with