Pang-Masa ( Leaderboard Top ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

‘Iwasan ang virtual illegal recruiters!’

HINDI maubus-ubos ang mga putok sa buhong illegal recruiters, mapa-indibidwal man, grupo o mismong ahensiya, na tuluy-tuloy lang sa pambibiktima ng mga Pinoy na nais magtrabaho sa abroad.

Puwes, hindi rin titigil ang BITAG sa paglantad sa mga dorobong ito, mapag-ingat lamang ang ating mga kababayan. Ang malungkot nga lang kung minsan, nabiktima na ang mga pobre nating kababayan bago pa makalapit sa amin o sa mga otoridad.

Isang mister ang lumapit sa Kilos Pronto kamakailan, nakakulong ang kaniyang misis sa Dubai dahil natuklasan ng mga otoridad doon na iligal ang pagpasok sa bansa ng kanyang misis.

Ang kawawang Pinay, biktima ng illegal recruiter na nakita lang niya online. Ang lahat ng transaksyon nito papunta sa Dubai, patagong inaayos at nailabas ng bansa.

Subalit ang resulta, imbis maayos na trabaho ang kaniyang mapasukan, sa piitan ng United Arab Emirates siya napadpad. Natuklasang, peke lahat ng dokumentong dala ng kanyang misis magmula sa passport hanggang sa visa nito.

Isang grupo silang mga Pinay na dumating sa Dubai Airport at ang habilin ng damuhong virtual illegal recruiter, sasalubungin sila ng kanilang mga Arabong amo. Subalit, hindi na nangyari ito dahil sa Manila airport pa lamang kinutuban na ang kanyang misis at mga kasabayan nito.

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

Naramdaman daw nilang may mali sa kanilang dokumento kaya paglapag sa Dubai Airport, agad dumiretso sa immigration ang mga kababayan natin upang mag-report. Napatunayan ng mga otoridad na peke ang mga bitbit nilang dokumento, hindi alinsunod sa batas ng bansang UAE.

Nahaharap sa parusang dalawang linggong pagkakakulong at deportation ang mga biktima. At tulad ng inaasahan, hindi na nahagilap pa ang damuhong illegal recruiter.

Paalala ng BITAG, huwag magpaniwala sa mga alok na direct hiring dahil eto ang madalas na ugat ng problema ng illegal recruitment at human trafficking.

Huwag pumayag na aalis ng Pinas na ang bitbit ay tourist visa lamang lalo kung dadaan pa ng iba pang bansa bago dumiretso sa bansang papasukan.

Kung sakaling isa sa kapamilya o kakilala n’yo ang humantong din sa ganito, maaaring manghingi ng tulong mula sa Department of Foreign Affairs, Undersecretary office.

Bukas ang tanggapan ng BITAG at Kilos Pronto at ang aming online helpline para sa mga sumbong na tulad nito.

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1
  • Follow Us: