Pang-Masa ( Leaderboard Top ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

EDITORYAL - Metro Manila, 3rd sa may pinakagrabeng trapik sa Asia

NAGSAGAWA ng pag-aaral ang ride-sharing company Uber sa nangyayaring trapik sa Metro Manila (MM) at lumabas na pangatlo sa pinaka-worst sa Asia. Nangunguna ang Bangkok at pangalawa ang Jakarta. Ayon sa Uber, araw-araw, naiistak ang motorista sa trapik sa MM sa loob ng 66 minutes. Sa Bangkok ay 72 at sa Jakarta ay 68. Sumunod naman sa MM ang Hanoi at Kuala Lumpur.

Hindi na nakagugulat ang pag-aaral ng Uber sapagkat matagal nang kalbaryo ang trapik sa MM. Marami nang ginawang eksperimento ang Metro Manila Development Authority (MMDA) pero problema pa rin ang trapik. Araw-araw, usad pagong ang mga sasakyan lalo na sa EDSA. Kahit pa marami ang maagang umaalis sa kani-kanilang bahay, nali-late pa rin sila dahil sa grabeng trapik.

Ipinahayag ng isang opisyal ng American Chamber of Commerce (ACC) of the Philippines na mas lalo pang lulubha ang trapik sa pagsapit ng 2020. Lalo umanong dadami ang sasakyan sa Metro Manila. Sa tantiya ng opisyal, madadagdagan ng 500,000 ang mga sasakyan sa Metro Manila. Malaking problema aniya ito kaya narara­pat nang gumawa ng hakbang ang pamahalaan para madagdagan ang mga kalsada at skyway gayundin ang mga riles. Kung hindi magkakaroon ng mga access roads sa bansa, mararanasan ang pinakagrabeng trapik.

May katotohanan ito. Ngayon pa lamang ay nakikita na ang katotohanan nito sapagkat nararanasan na ng mga motorista ang trapik na halos madaling araw na kung makauwi sa kani-kanilang tahanan. Mayroong sa kanilang sasakyan na inaabutan ng unang tilaok ng manok. Walang improvement sa trapik at lalo pang lumubha.

Karagdagang mga kalsada, skyway, subway at mga tulay ang nararapat. Isakatuparan na ng Duterte adminstration ang “Build! Build! Build! Program”. Alisin na rin sa kalye ang mga lumang sasakyan na nagdadagdag ng trapik sa Metro Manila.

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1
  • Follow Us: