Pang-Masa ( Leaderboard Top ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

EDITORYAL - ‘Lungga’ ng droga ang Correctional

KAILANGANG ireporma ang Correctional Institute for Women (CIW). Wala na itong pinagkaiba sa New Bilibid Prisons (NBP) na na-ging lungga na rin ng shabu at iba pang illegal na droga. Kung gaano kabagsik ang bentahan ng droga sa Bilibid, ganito rin sa Correctional. Malayang nakakapasok doon ang mga bawal --- cell phone, alak, laptop, etc. Marami ring corrupt na personnel at prison guards sa Correctional. Tapalan lang ng pera ang mga ito, ayos na. Puwedeng maipasok kahit ano.

Nang magsagawa ng “Oplan Galugad” ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Lunes ng madaling araw sa Correctional, nasamsam sa selda ng 72-anyos na si Yu Yuk Lai ang P5 milyong halaga ng shabu. Si Yu Yuk Lai ang tinataguriang drug queen. Mahigit 20 taon na siya sa Correctional dahil sa pagtutulak ng shabu. At kahit nasa loob, patuloy pa rin pala ang illegal na gawain.

Nakapagtataka naman kung bakit ngayon lang naisipang galugarin ang selda ng drug queen. Mara-ming nagtatakip sa kanyang masamang gawain. Dahil sa pagkakatuklas sa illegal na gawain ni Yu Yuk Lai, tinanggal na sa puwesto ang warden doon. Bago sinibak, nakatikim muna ito ng sermon kay PDEA chief Aaron Aquino.

Maaaring hindi lamang si Yu Yuk Lai ang nag-ooperate ng illegal drugs sa Correctional kaya nararapat magsagawa pa ng sorpresang paggalugad ang PDEA para mahubaran na ang iba pa. Umano’y may link si Yu Yuk Lai sa mga drug lord na sina Jaybee Sebastian, Peter Co at Ben Marcelo na nakakulong sa NBP. Ayon pa sa PDEA, naipapasok ang shabu sa Correctional dahil inihahalo ito sa mga sako ng bigas na dinideliber doon ng anak ni Yu Yuk Lai na si Diana Yu na nahulihan din ng shabu sa condo nito na nagkakahalaga ng milyong piso. Sinusuhulan umano ni Diana ang PDEA agents ng P5 milyon pero hindi ito nagtagumpay.

Dapat purihin ang PDEA sa matagumpay na drug raid sa Correctional. Ngayon na ang panahon para ireporma ang bilangguan. Sibakin ang pinuno, tauhan at mga guwardiya roon para mawala ang koneksiyon sa drug lords.

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1
  • Follow Us: