Pang-Masa ( Leaderboard Top ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

Happy Cool, baon sa utang sa PCSO!

NANGANGANIB na ma-revoke ang license ng Happy Cool Gaming Inc., ang may franchise ng Small Town Lottery (STL) sa southern Metro Manila dahil sa hindi pagbabayad ng tamang bayarin sa kaban ng bayan. Imbes na magbayad kasi ng P1.38 milyon kada araw bilang 39.25 percent ng Presumptive Monthly Revenue Receipt (PMRR), aba halos P80,000 lang ang nababayaran ng Happy Cool, ayon sa mga kosa ko sa PCSO. Habang lumalaki ang pagkakautang ng Happy Cool sa PCSO, ang naaapektuhan ay ang kapabilidad ng gobyerno na tumulong sa mahihirap, di ba mga kosa? Kung nagbabayad lang ng tama ang Happy Cool, tiyak makadagdag ito sa bil­yones na kinita ng PCSO para lalo pang isulong ang programa nila na matulungan ang mga mahihirap at may sakit. Kapag hindi nagbago ang remittance ng Happy Cool sa PCSO nitong darating na mga araw, tinitiyak ng mga kosa ko na ang kasunod na hakbangin ng ahensiya ng gobyerno ay i-revoke na ang license to operate nito. Hak hak hak! Naglalaway na si NCRPO chief Dir. Oscar Albayalde na mapasakamay niya ang revoke order ng PCSO sa Happy Cool, di ba mga kosa? Tumpak!

Para sa kaalaman n’yo mga kosa, ang Happy Cool, na si Toto Albano ang tumatayong financier, ang nanalo sa bidding ng STL sa southern Metro Manila noong Enero sa halagang P79 milyon. Si Albano, ayon sa mga kosa ko, ay honorary member o adopted ng Philippine Military Academy (PMA) Class ’82, di ba ret. Gen. Francisco Uyami Sir? Nagsimulang mag-operate ang Happy Cool noong June kaya kung susumahin sa loob ng limang buwan o hanggang Oktubre, ang dapat bayaran ni Albano sa PCSO ay P395 milyon, di ba mga kosa? Subalit ayon sa records ng PCSO, ang ibinayad lang ng Happy Cool sa PCSO sa loob ng limang buwan ay P16 milyon, kaya’t may utang pa si Albano na P379 milyon. Hak hak hak! Puwede kayang habulin ng Commission on Audit (COA) ang Happy Cool para makabayad sila ng pagkakautang sa gobyerno? Ano sa tingin n’yo mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!

Subalit masalimuot ang sitwasyon ng Happy Cool mga kosa dahil ang lisensiya nila sa STL ay ipinasub-contract sa isang alyas Prosy, na ang negosyo ay sa Customs sa Aduana. Kaya sino ba ang hahabulin ng gobyerno dito si Albano o si Prosy? ‘Yan ang tanong ng mga kosa ko. Ayon sa mga kosa ko, aabot sa P2 milyon kada araw ang ingreso ng Happy Cool at dapat P1.38 milyon ang ibinabayad nila sa gobyerno subalit P80,000 lang ang nire-remit nila. Ang sinisisi nitong Happy Cool kung bakit hindi tumataas ang taya sa STL nila ay dahil sa naglipanang sugal sa southern Metro Manila. Ang ibig sabihin ng Happy Cool mga kosa, imbes na sa STL, aba sa ibang sugal tulad ng jueteng, bookies ng karera, ending, ball alai, lotteng at iba pa tumataya ang mga sugarol. Paano naman magkaroon ng simpatiya ang mga sugarol sa STL ng Happy Cool eh wala silang draw court para magpapatunay na hindi sila bino-bookies ni Totoy Haruta, ang dating jueteng financier sa Laguna. At ang isa pang dahilan, ay ang winning combination nila ay nanggagaling pa sa resulta ng draw sa northern Metro Manila. Hak hak hak! Hindi alam ni Prosy ang raket ni Totoy Haruta kaya panay abono niya, di ba mga kosa? Hehehe! Kanyang-kanyang gimik lang ‘yan, di ba Boss Totoy?

Kung sabagay, hindi lang ang Happy Cool ang tagilid sa PCSO kundi maging ang Golden Go na ang operation ay sa Pangasinan. Nagsimulang mag-operate ang Golden Go noong Abril at ang dapat na PMRR niya sa anim na buwan ay P1.2 bilyon subalit P200 milyon lang ang nababayaran ng financier nito. May utang ang Golden Go ng aabot sa P1 bilyon, anang records ng PCSO. Ano ba ‘yan? Hehehe! Kung ang Philippine Airlines nga ni Lucio Tan ay nagbayad matapos murahin ni Pres. Digong, itong Golden Go pa kaya? Hala Pres. Digong Sir, murahin na itong Golden Go para magbayad ng utang sa PCSO. Abangan!

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1
  • Follow Us: