Pang-Masa ( Leaderboard Top ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

EDITORYAL - Mga pulis na patay-malisya

SINIBAK na kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa ang dalawang pulis na escorts ni Diana Yu, anak ng drug queen na si Yu Yuk Lai. Nahulihan ng milyones na halaga ng shabu si Diana sa kanyang condo unit makaraang salakayin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Tinangka pang suhulan ni Diana ng P5 milyon ang PDEA agents para huwag siyang hulihin. Pero sabi ni PDEA Director Aaron Aquino, hindi nasusuhulan ang kanyang mga operatiba. Ang pagsalakay sa condo unit ni Diana ay ginawa ilang oras makaraang salakayin din ng PDEA ang selda ni Yu Yuk Lai sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City. Nakumpiska kay Yu Yuk Lai ang shabu na nagkakahalaga ng P5 milyon. Ipinapasok umano ang shabu sa Correctional makaraang ihalo ito sa bigas na dinideliber naman ni Diana. May rice business umano si Diana. Ayon sa PDEA, ginagamit ni Diana ang rice retailing business para makapagpasok ng shabu.

Ang nakaka-shock pa sa pagkakaaresto ni Diana ay ang nabulgar na mayroon pala itong mga escort na pulis mula sa Police Security Protection Group (PSPG) at tumatanggap ng P1,000 allowance mula kay Diana. Kaya bukod sa suweldo ay mayroon pang ekstrang kita na umaabot sa P30,000. Nakilala ang dalawang pulis na sina PO3 Walter Vidad at PO2 Faisal Sawadjaan.

Nang tanungin ang dalawang pulis, sinabi ng mga ito na hindi nila alam na si Diana ay anak ng drug queen na si Yu Yuk Lai. Hindi raw nila alam ang illegal activities ni Diana. Ang dalawang pulis ay nag-escort kay Diana mula pa noong 2015.

Hindi kami naniniwala na hindi nalalaman ng dalawang pulis ang gawain ni Diana. Anong klase silang pulis? Walang pakiramdam sa nangyayari sa paligid? Mga pulis na patay-malisya? Alam nila ang trabaho ni Diana at hindi na sila kumikibo para hindi maputol ang kanilang tinatanggap na P30,000 allowance monthly.

Mabuti at naputol na ang illegal activities ng anak ng drug queen. Dapat hindi lang sibak ang dalawang pulis, kasuhan sila at ikulong kapag napatunayang sangkot din sa illegal na droga.

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1
  • Follow Us: