Pang-Masa ( Leaderboard Top ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

EDITORYAL - ‘Ngipin’ pa more vs abusadong taxi drivers

BAKIT ngayon lang kumilos ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa mga abusadong taxi drivers sa NAIA? Matagal na silang nirereklamo pero hindi marinig ng LTFRB. Namayagpag ang mga taxi driver na ito na walang awa sa kanilang mga pasahero.

Dapat noon pa ginawa ng LTFRB ang pagkukun­waring pasahero para mahuli ang kabuktutan ng mga taxi driver. Pero salamat na rin at nakapag-isip ang LTFRB para mabuko ang ginagawa. Huli sa akto ang mga abusadong taxi driver at sana, bawian sila ng prangkisa dahil sa ginawang pagsasamantala sa mga pasahero.

Noong Lunes, nagsagawa ng una nilang pagkastigo ang LTFRB sa mga abusado. Una nilang tinungo ang Ninoy Aquino International Airport-Terminal 3 kung saan nag-aabang ang maraming taxi. Ilang LTFRB personnel ang nagkunwaring pasahero at nadyakpatan nila ang mga taxi driver na nangunguntrata imbes na gamitin ang metro. Ilang taxi driver din ang nahuli nilang nagpapadagdag ng bayad sa kanilang pasahero dahil daw malayo at matrapik ang pupuntahan. Nalaman din ng mga taga-LTFRB na pagkasakay pa lamang ng pasahero ay agad mag-aalok sa pasahero na hindi na imemetro at pag-uusapan na lamang ang bayad.

Ang mga nahuling driver ay kakasuhan ng LTFRB at maaaring makansela ang prangkisa ng minamanehong taxi. Ayon sa LTFRB, magsasagawa pa sila ng ganito pang mga teknik para lubusang mahuli ang mga abusadong taxi drayber.

Ngayong naumpisahan na ng LTFRB ang ganitong teknik sa mga abusado, tutukan na rin ang mga taxi na nakapila sa mga mall na namimili ng pasahero. Kapag malayo ang pupuntahan ay tinatanggihan. Kahit pa nga matanda ang pasahero ay ayaw isakay. Maski ang buntis na hirap nang makalakad ay tinatanggihan.

Ngayong palapit na nang palapit ang Pasko at maraming magsa-shopping, tiyak na marami ring nakapilang taxi. Subukan naman ng LTFRB na magkunwaring pasahero para mahuli ang mga “tanggerong drayber”. Marami ang mga ito na walang awa sa mga pasahero. Gusto nila sa walang trapik na lugar na maghatid ng pasahero. Nag-taxi drayber pa sila. Kastiguhin ang mga abusadong taxi drayber. Ngayon na ang tamang pagkakataon para sila ay latiguhin nang todo para magkalatay.

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1
  • Follow Us: