Pang-Masa ( Leaderboard Top ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

Krus

ISANG ina ang nagluluksa dahil namatayan siya ng kaisa-isang anak. Halos mabaliw siya sa sama ng loob kaya lumapit siya sa isang matandang iginagalang sa kanilang lugar upang humingi ng payo kung paano maiibsan ang sakit na nadarama niya sa kasalukuyan.

“Humanap ka ng isang pamilya na walang problema. Pagka-tapos ay humingi ka ng kahit anong halamang nakatanim sa bakuran ng kanilang tahanan. Dalhin mo ang halaman at iyon ang gagamitin ko sa iyo upang mawala ang sakit ng kalooban mo”.

Sinubukan niyang pumunta sa tahanan ng pinakamayaman sa kanilang lugar ngunit lumalapit pa lang siya sa may pintuan ay naririnig na niya ang dalawang taong nagsisigawan na halatang may pinag-aawayan.

Lumipat siya sa katabing bahay ngunit isang batang nag-iiyak ang kanyang naabutan. Nagugutom daw siya ngunit walang perang pambili ng pagkain ang kanyang mga magulang. Dumukot ng pera ang babae at sinabi sa bata na ibili niya iyon ng pagkain. Nagbilin pa siya na kung magugutom ito ay puntahan lang siya sa bahay nito. Ang malungkot na mukha ng bata ay napalitan ng saya. Hindi mapigilang mapangiti ng babae…sa kauna-unahang pagkakataon matapos ilibing ang kanyang anak.

Higit na sa sampung bahay ang napuntahan ng babae ngunit lahat ng pamilyang nakausap niya ay may dinadala rin mga problema. Nalibot na niya ang kanilang munting bayan ay wala pa rin siyang matagpuang pamilya na walang pinoproblema sa buhay. Ang nakakatawa, ang iba ay humingi pa sa kanya ng payo. Sa sobrang abala sa pagbibigay ng payo, nakalimutan na niya ang sarili niyang problema.

Lingid sa kaalaman ng babae, batid ng matandang tagapayo na wala talaga itong mahahanap na pamilyang walang problema. Gusto lang niyang patunayan sa babae na lahat ng tao ay may “krus” na dinadala. Kanya-kanya lang tayo ng diskarte kung paano magiging magaan ang “krus” na ito.

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1
  • Follow Us: