Pang-Masa ( Leaderboard Top ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

EDITORYAL - ‘Home along da river’ lalong kumapal!

NOONG 2013, nagkaroon ng kampanya ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na i-relocate ang mga squatters na nasa tabing ilog o esteros. Mapanganib ang pagtira sa tabing ilog o esteros sapagkat maaaring tangayin ng baha sa panahon ng tag-ulan at maaring magkaroon ng landslides. Noon sa pagtataya ng DPWH, nasa 20,00 pamilya ang mga nasa pampang ng walong esteros sa Metro Manila. Ang walong esteros ay ang San Juan River, Tullahan River, Manggahan Floodway, Maricaban Creek, Estero Tripa de Gallina, Pasig River, Estero de Sunog Apog at Estero de Maypajo. Sabi ng DPWH, sisikapin nilang alisin lahat ang mga naninirahan sa mga pampang ng nasabing esteros at ilog. Ire-relocate ang mga ito sa ligtas na lugar at bibigyan pa ng perang puhunan ang mga ire-relocate.

Makalipas ang 2013 ay wala nang balita kung nagkaroon ng katotohanan ang project. Dumaan din ang marami pang pagbaha at pag-apaw ng mga ilog o esteros. Maraming bagyo at habagat ang nanalasa. Umapaw din sa basura ang mga esteros.

Makalipas ang apat na taon, ang mga pampang ng nasabing ilog at esteros ay marami na namang nakatayong barungbarong. Hindi masabi kung may na-relocate roon noong 2013 o nagsibalikan muli o may bago na namang grupo na nanirahan. Ang sumatotal, balik na naman sa pampang ang mara-ming barungbarong. Namutiktik na naman ang home along da river.

Ang mga barungbarong sa pampang ng ilog at estero ang dahilan nang pagbaha sa Metro Manila. Hinaharangan ng mga barungbarong ang daloy ng tubig. Ang mga basura rin ng mga naninirahan doon ang nagpapabara sa estero at ilog. Wala silang disiplina sa pagtatapon ng basura. Pawang mga plastic na bagay ang nakalutang sa esteros at ilog.

Nararapat ituloy ng DPWH ang pag-relocate sa squatters. Bukod sa delikado ang kalagayan ng mga nasa pampang, sinasalaula ng mga ito ang mga ilog. Alisin sila para maiwasan ang pagbaha sa Metro Manila.

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1
  • Follow Us: