Pang-Masa ( Leaderboard Top ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

EDITORYAL - Mga mahihirap sana ang makinabang sa free tuition

LIBRE na ang tuition sa mga state colleges and universities sa buong bansa makaraang lagdaan ni Pres. Rodrigo Duterte ang Republic Act 10931 (Universal Access to Quality Tertiary Education Act). Magkakabisa ito sa susunod na taon. Dahil dito, Maraming mahihirap na estudyante ang makakapagpatuloy sa pag-aaral sa kolehiyo at magkakaroon nang magandang kinabukasan.

Ayon kay Budget secretary Benjamin Diokno, nagkaroon nang pagtitimbang ang Presidente bago nalagdaan ang batas. Nagkaroon ng kunsultasyon sapagkat hindi pa malaman kung saan kukunin ang pondo para sa libreng tuition sa kolehiyo. Hanggang sa magpasya ang Presidente na maghahanap siya ng pondo para rito at saka nilagdaan ang batas. Tinatayang may 112 state universities and colleges sa buong bansa.

Sabi ni Sen. Panfilo Lacson, kunin sa pork barrel ng mambabatas ang pondo para sa libreng tuition fees. Kayang-kaya umano itong pondohan mula sa pork. Si Lacson ay hindi kailanman ginamit ang kanyang pork barrel.

Maganda ang panukala ni Lacson na kunin sa pork ang pondo. Kaysa naman kurakutin lang ang pork ng mga mambabatas, sa mga state colleges and universities ito gamitin. Gawin na ito para naman makahinga nang maluwag ang mga magulang na kandakuba na sa pagtatrabaho.

Huwag naman sanang kung sinu-sino na lamang ang makinabang ng free tuition. Baka may mga kaya o yung mayayamang estudyante ang makinabang ng free tuition. Piliin o salaing mabuti ang mga estudyanteng mag-aaplay. Dapat wala silang ikakaya sa buhay.

Noon pa, marami nang napupuna sa sistema ng pagpapaaral sa bansa. Sa halip na ang mga walang ikakaya ang nasa state colleges, parang mayayamang estudyante na ilan-ilan ang kotse ang nakikitang nag-aaral. Dapat matuldukan ang ganitong sistema.

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1
  • Follow Us: