Manong Wen (224)
PAGKARAANG magupitan at maahitan ay isinama ni Jo si Tatang Nado sa tindahan ng mga damit.
“Tiyak na lalo kang guguwapo kapag nakapagsuot nang magara.’’
Maraming biniling damit si Jo.
Takang-taka ang matanda.
“Bakit naman ang dami nating biniling damit, Jo?’’
“Para mayroon kang isuot sa muling pagharap mo sa iyong mag-ina, Tatang Nado.’’
“Parang hindi ko kayang humarap sa kanila, Jo.’’
“Makakaya mong humarap sa kanila basta nakagawa ka ng kabayanihan.’’
“Ano naman kayang kabayanihan ang magagawa ko? Sa edad kong ito, puwede pa ba akong bayani?’’
“Wala sa edad ang pagiging bayani, Tatang.’’
Napatango ang matanda.
“Isukat mo nga Tatang ang isang ito.” Iniabot ang black pants at asul na polo. “Tingnan ko kung gaano ka ka-guwapo kapag maayos ang suot.’’
Nagbihis ang matanda.
Makalipas ang ilang minuto ay humarap kay Jo.
“O, okey ah! Bagay na bagay sa ’yo Tatang Nado. Para kang magtatrabaho muli sa munisipyo.’’
“Sa totoo lang Jo, ganito ang kulay ng uniporme namin noon sa munisipyo kung saan ay inspector ako ng mga stalls at iba pang pinauupahan sa palengke.’’
“Aba e di tamang-tama pala.’’
“Kailan ba tayo luluwas ng Maynila?”
“Bukas. Kaya mag-impake ka na ng mga damit mo.’’
“Saan tayo tutuloy sa Maynila?” tanong na parang nag-aalala.
“No problema, Tatang Nado. May bahay ako sa Makati. Malaki ang bahay ko roon.’’
“Malayo pa ba yun sa bahay ni Violeta at Noime?’’
“Malayo pa po. Mga dalawang sakay ng dyipni.’’
“Malayo pala pero kaya kong lakarin ’yun.’’
“Hindi ka muna maglalakad. Kailangang lihim ang pagtungo mo sa Maynila. Yun bang sorpresa ang gagawin natin.’’
“Paano ba ako magiging bayani, Jo? Parang mahirap yata.”
“Darating po ang sandaling yun, Tatang.’’
Kinabukasan, alas-singko ng umaga ay umalis na sina Jo at Tatang Nado. Nagpaalam siya kay Princess at Mam Diana. Ipinaliwanag niya sa mga ito ang plano.
Nang dumating sila sa Makati, hangang-hanga si Tatang Nado sa bahay ni Jo. Malaki at kumpleto sa gamit.
“Ikaw lang nakatira rito, Jo.’’
“Opo. Mula ngayon dito ka na titira.’’
“Kailan natin uumpisahan ang plano, Jo.”
“Bukas po, isasama kita sa kinaroroonan ng bahay ni Mam Violeta sa Paco.’’
“Hindi ba niya ako makikita?’’
“Hindi po. Susubaybayan lang natin sila. Tatanaw-tanaw lang tayo.’’
“Sige, Jo. Sabik na akong makita si Violeta at Noime.”
(Itutuloy)
- Latest