^

Punto Mo

‘Eddie, WOW!’

- Tony Calvento - Pang-masa

MAKISIG, tuwid tumayo at alerto sa unang tingin subalit kapag kinilala mong maigi, ang lalaking iyong kaharap pala… ‘mababa ang luha’.

“Dalawamput walong araw akong naghintay na mapa­litan yun pero papel pa rin siya sa’king  bumalik,”  maluha-luhang kwento ni Eddie.

Nagsadya sa aming tanggapan ang Cebuanong si Eduardo Maaghop o “Eddie”, 43-taong gulang— isang gwardiya. Solo sa buhay si Eduardo. Mula Camotes Island, Pilar lumuwas siya ng Maynila nung taong 1997 at nagdesisyong mamuhay mag-isa.

“May asawa’t anak ako na naiwan sa isla pero nagkagulu-gulo kami. Nag-away ang tatay at asawa ko dahil sa mga alaga naming hayop,” ani Eddie.

Kwento niya, isang araw kinagat ng alagang aso ng kanyang misis ang alagang baboy ng kanyang ama na naging dahilan ng kanilang pag-aaway. Pinapunta raw siya ng ama sa Maynila at tuluyang naghiwalay ng misis. Pagiging construction worker ang unang pinasok ni Eddie. Tumagal din siya ng isang taon dito hanggang maisipan na niyang maging gwardiya. Isang banko sa Sta. Cruz, Manila ang una niyang binantayan. Naging maayos ang kanyang pagtatrabaho. Iba’t-ibang agency na rin ang kanyang pinasukan. Madalas sa malalaking ahensya siya napupunta. Kapag naghihintay ng duty si Eddie hindi siya natetengga sa trabaho dahil ‘sideline’ niya ang pagiging sapatero. “Nagre-repair ako ng mga sapatos mula nung taong 1999. Nakabili ako ng segunda-manong motor sa pagdidikit at pagtatahi ng swelas,” kwento niya.

Nakabili rin siya ng rights ng isang maliit na bahay subalit naibenta niya rin ito kinalaunan. “Magulo kasi sa lugar na yun kaya nangupahan na lang ako,” ani Eddie. Nitong Abril 2014, nag-apply si Eddie sa Baseleca Security Agency Corporation sa Commonwealth. Hinikayat daw siya ng isang kaibigang gwardya na hawak din ng nasabing ahensya. Agad namang nagtungo dun si Eddie. Nakausap niya raw dito si Billy Salas nasa edad 40 pataas. “Halagang P9,000 daw ang sahod ko sa isang buwan… Pwede na rin,” wika ni Eddie.

Nadestino si Eddie sa Montalban, Rizal. Durugan ng bato na ginagawang buhangin (crusher) ang kanyang binantayan. Alas-sais ng umaga hanggang 6:00 ng gabi ang oras ng kanyang bantay.

“Kapag hindi dumating ang kapalitan ko, nag-i-straight ako,” pahayagag ni Eddie. Ika-15 ng Abril, araw ng sahod nagpunta sa Baseleca si Eddie para kunin ang kanyang sweldo. Pagdating dun, sinabi umano ni Billy sa kanya na wala siyang sweldo. “Sa makalawa ko raw makukuha…” wika ni Eddie.

Inintindi naman ito ni Eddie dahil maliit na ahensya lang daw ito at nangako naman si Billy na babayaran siya. Umabot ang katapusan wala rin daw siyang sahod. Kapag pupunta siya dun pinagka-cash advance siya ng P500-P1,000 subalit kulang pa raw itong pamasahe. Nagtiyaga pa rin si Eddie at nagbantay pa rin sa Montalban. Ginamit niya raw munang allowance ang kaunting ipon sa pagre-repair ng sapatos. Nung nagigipit na siya dumating sa puntong na­ging makulit na siya sa paghingi ng kanyang sweldo. Nung makahalata siyang wala na raw balak si Billy na swelduhan siya, nagpunta na siya sa Barangay Matandang Balara, Q.C. para magreklamo.

Nagkaroon ng paghaharap sina Eddie at Billy sa ba­rangay. Nung ika-3 ng Hunyo 2014 nagkasundo sila ni Ester Panes, representante ni Billy at sinabi nitong makukuha ni Eddie ang halagang P6,164.

Ayon kay Eddie, pinapasok pa siya ni Billy. Nagbantay pa umano siya ng ilang araw. Dumating ang araw ng sahod, hindi naman siya pinapasok at may papalit daw sa kanyang pwesto.

“Hindi na naman ako nasahuran, wala na naman,” hinaing ni Eddie.

Isang araw, lumiban sa pagbabantay si Eddie. Kinabukasan agad siyang pinag-report sa opisina. Ipinaliwanag niyang kinaila­ngan niyang pumunta ng Pampanga para sa isang family reunion. Nagalit daw itong si Billy. Nagkasagutan daw sila, “Ni minsan hindi n’yo na po ako pinasahod tapos magagalit kayo…”

Parehong araw muling hiningi ni Eddie ang kanyang sahod. Nagpasama na raw siya sa isang tanod. Mabilis naman siyang binigyan ng tseke ni Billy na may halagang P6,164 kapalit ang paggawa niya raw ng resignation letter. Ika-27 ng Hunyo 2014, petsa kung kailangan maari niyang ma-encash ang tseke agad siyang pumila sa BPI, Sandigan Bayan-Branch. Pagkuha ng tseke, nagulat si Eddie nang sa halip na pera, parehong papel ang ibinalik sa kanya. “Closed account na po ito sir,” sabi ng ‘teller’.  Pagbalik sa kanya, nagulat siya na may tatak na ‘account closed’. Agad niyang kinumpronta si Billy, “Antay-antay lang magpapasahod ako,” sabi umano ni Billy sa kanya. Nagreklamo ulit siya sa barangay subalit matigas daw ang ahensya kaya’t pumunta na siya ng Public Attorney’s Office (PAO), QC at tinulungan siyang gumawa ng demand letter na kanya namang pinatanggap kay Billy.

Sa ngayon nagsampa na siya ng kasong Violation of BP 22 (Bouncing Check) laban kay Billy sa Prosecutor’s Office, QC, nagkaroon na ng ilang pagdinig subalit nitong huli, sinabihan daw umano siyang wala nang kaso.

Maliban sa BP 22, nagreklamo na rin siya sa National Labor and Relations Commission (NLRC) para sa kanyang unpaid salary. “Hindi ko na po alam ang mga nangyari sa kaso ko,” ani Eddie.

Ito ang dahilan ng pagpunta niya sa’min. Itinampok namin ang kwento niya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/ Sabado 11:00-12NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, dahil kulang-kulang ang papeles na dala ni Eddie nang magpunta siya sa aming tanggapan, pinayuhan namin si Eddie na kumuha ng mga dokumento sa kanilang kaso para ma’y pagsimulan kami at malaman namin kung anong ligal na hakbang ang maari niyang gawin.

Nagpunta sa Prosecutor’s Office si Eddie, ayaw siyang bigyan ng mga dokumento dahil pinaliwanag sa kanya na mas tatagal lamang dahil submitted for resolution na ang kanyang reklamo. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari rin kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  O tuwag sa aming landline 6387285 / 7104038.

vuukle comment

BILLY

EDDIE

KANYANG

KAPAG

LEFT

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with