^

PSN Showbiz

Young actress isinumpa-sumpa ng seller na inutangan ng mga mamahaling sapatos!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Nakakaaliw ang gabing ‘yun habang binabalikan ng isang tropa ang nakakalokang karanasan ng isang biyahera sa isang sikat na young actress.

Nagbebenta pa rin ng mga imported na produkto ang babae pero kahit ipatawas pa ito ngayon ay hinding-hindi na makakakuha pa sa kanya ng mga produkto ang batang aktres na nagbigay sa kanya nang matinding indulto.

Maliit lang kasi ang kanyang puhunan, pinaiikot lang nito ang puhunang ipinagkatiwala ng kanyang mister, pero nang dahil sa young actress ay malapit na silang magkahiwalay.

Kuwento ng isang nasa grupo, “Mahilig kasing kumuha ng mga products sa kanya ang mga artista ng isang malaking network. Okey naman ang takbo ng maliit niyang negosyo, nagbabayad ang mga youngstars kapag araw ng suweldo nila.

“So, pinaiikot lang niya ang puhunan, tumutubo siya nang konti, kaya biyahe lang siya nang biyahe para kumuha ng mga products sa mga Asian countries. Magaganda na kasi ang mga products niya, e, hindi pa harang ang presyo, may kamurahan siyang magbenta kesa sa ibang mga biyahero,” kuwento ng source.

Pero malapit na silang magkahiwalay ng kanyang mister nang dahil sa isang young actress. Kinuha kasi niya ang lahat ng dala-dala ng babae nu’ng puntahan siya sa taping.

“Halos wala na siyang naibenta pa sa iba, pinakyaw na nga kasi ni ____(pangalan ng sikat na young actress), babayaran daw siya agad, huwag siyang mag-alala, kaya prenteng-prente naman ang trader.

“Heto na. After two weeks, tumawag sa kanya ang girl, isosoli na lang daw niyang lahat ang mga shoes na kinuha niya, ang mga damit na lang ang babayaran niya. Naloka siyempre ang biyahera, size ‘yun ng young actress, kanino niya ‘yun iaalok?

“Iyak nang iyak ang biyahera, natulog kasi ang puhunan niya, pero malapit na siyang malokah nu’ng malaman niya ang totoong kuwento. Naisuot pala sa taping ng young actress ang mga shoes na kinuha sa kanya, may nagpakita sa kanya ng mga video, gamit na pero ibabalik pa sa kanya?

“Nu’ng tinawagan niya ang young actress para sabihing hindi na puwedeng isoli ang mga produkto dahil gamit na, e, hindi na siya sinasagot. Malaki ang galit niya sa young actress na ‘yun!

“Pinag-awayan kasi nilang mag-asawa ang ginawa ng young actress, kaya kapag may nagtatanong sa kanya kung customer pa rin niya ang girl, e, hindi niya nakakayang kimkimin ang sobrang inis niya!” pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Pelikula ni Cesar noon naging basehan NG kanilang pagbabago sa buhay

Babad kami sa panonood ng TV nitong nakaraang weekend. Nasira ang aming ritwal ng paggawa ng mga art bottles at ng mga bulaklak. Matindi ang virus ng sipon at ubo ngayon, pahinga ang kailangan, para makaipon ng energy.

Nadaanan namin ang isang lumang pelikula ni Cesar Montano, ang Bilang Na Ang Araw Mo, napakarami na ngang nagbago mula nu’n hanggang ngayon.

Ang kanyang sidekick sa pelikula na si Willie Revillame na payat na payat pa ay sikat na sikat na ngayon at super-milyonaryo na, pero buung-buo pa rin ang kanilang pagkakaibigan, palagi pa rin silang magkasama ni Cesar.

Abogadong babaero naman ang role na ginampanan sa pelikula ni Rustom Padilla, sa halos lahat ng mga eksena ni Rustom ay may kahalikan-kaulayaw itong babae, na napakalaking kabaligtaran dahil patay na si Rustom at ang buhay na buhay pa ay si BB Gandanghari.

Hindi na babaero si Rustom, siya na mismo ang babae, ibang-iba na ang kanyang itsura mula nang mag-out ang dating bruskong aktor.

Nangingiti kami habang pinanonood ang lumang pelikula ni Cesar dahil puwede palang maging barometro ‘yun ng pagbabago ng buhay at career ng mga artista.

Ang dami-daming nagbago. Bukod sa buhay ng mga bumibida ay maraming character actors din sa pelikula ang namaalam na. May isang eksena nga na nag-uupakan ang mga kontrabida na puro patay na.

Ang leading lady ni Cesar Montano ay si Charlene Gonzales na nakarelasyon din ng aktor. Nakasabay ng beauty queen sa puso ni Cesar si Teresa Loyzaga na may artista nang anak ngayon na si Diego Loyzaga.

Throwback talaga. Naging masalimuot ang relasyon nina Cesar at Sunshine Cruz na humantong pa nga sa husgado. Sa loob lang nang ilang taon ay ang dami-dami nang naganap.

Ang lalaking-lalaki nu’n ay babae na ngayon.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with