3 senglot grinipuhan sa sugalan
MANILA, Philippines – Nakikipaglaban kay kamatayan ang tatlong kalalakihan na sinasabing senglot makaraang pagsasaksakin ng lalaking nakaalitan sa sugalan sa Malabon City kahapon ng madaling araw.
Isinasalba sa Manila Central University Hospital at Tondo Medical Center ang mga biktimang sina Daveson Sioco, 25, ice cream vendor, ng Herrera St., Brgy. Ibaba; Pedro Reblando, 49, ng Block-3, Pot-20 James Ville St., Brgy. San Agustin at si Marvin Labrador, 34, ng Interior Sancricta St., Brgy. San Agustin.
Sa pahayag ni P/Supt. Ariel Fulo ng Malabon City Police, inilatag na ang manhunt operation laban sa suspect na Alyas Ipe ng 4th St., Desierto sa Brgy. Tañong sa nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon nina SP01 Rolando Hernando at P02 Benjamin Sy, naganap ang insidente bandang alas-12:45 ng madaling araw sa bisinidad ng Estrella Street sa Barangay Tañong.
Nakainom ang mga biktima habang tumataya sa sugalan kung saan sa hindi inaasahang pagkakataon ay nilapitan saka pinagsasaksak ng suspect.
Matapos ang pananaksak ay mabilis na tumakas ang suspek habang isinugod naman ang mga biktima sa dalawang pagamutan.
- Latest