^

PSN Showbiz

Nagdulot ng matinding traffic, dahil sa kulang na baryang sukli ng driver, beteranang aktres ayaw bumaba ng taxi!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Matinding magpahalaga sa kanyang mga pinaghihirapan ang isang beteranang aktres. Para sa kanya ay walang malaki o maliit, basta pera ay importante sa kanya, kaya naman palagi rin siyang binibiyayaan ng trabaho.

Kahit singko sentimos ay pinahahalagahan ng beteranang aktres, pera pa rin nga naman ang singko, hindi niya basta-basta pinakakawalan ‘yun.

Ang kuwento ay nangyari nu’ng kababalik-showbiz pa lang niya pagkatapos nang mahabang panahon ng pagkawala sa gitna ng laban. Kailangan niyang lumiban sa pag-arte, may kailangan siyang mas tutukan, nang umayos na ang kanyang sitwasyon ay muli na siyang napanood na umaarte sa pelikula at telebisyon.

Kuwento ng aming impormante, “Nagsisimula pa lang uli siya nu’n, from zero talaga, walang-wala siya nu’n dahil kababalik pa nga lang niya sa pag-arte.

“Kapag malapit lang ang location, sumasakay siya sa bus o sa jeep, saka lalakarin na lang niya ang exact location ng taping or shooting niya.

“Kapag malayo naman ang shoot, nakikisabay siya sa production, kasama niya sa utility van ang mga crew at ang mga equipments. Okey lang sa kanya ‘yun, malaki kasi ang natitipid niya.

“Ganu’n kahirap ang pagbabalik niya, walang-wala siya, pero dahil napakagaling naman talaga niyang umarte, maraming nagbigay ng projects sa kanya,” kuwento ng source.

Nu’ng medyo kumikita na siya nang maganda, nagta-taxi na ang beteranang aktres, pero wala siyang sinasayang na halaga. Hindi siya nagbibigay ng tip, sakto lang ang ibinabayad niya, masinop talaga siya sa pera.

“Pero nu’ng one time, naging dahilan siya ng traffic sa isang busy street. Businahan nang businahan ang ma sasakyan, nakaharang kasi ang taxi sa daan, ang sakay pala nu’n, e, ang beteranang aktres.

“Nu’ng sitahin ang taxi driver kung ano’ng nangyari, ayaw raw kasing bumaba ng sakay niya hanggang hindi niya naibigay ang eksaktong sukli.

“Walang barya ang driver, kulang siya nang beinte singko sa sukli ng veteran actress, kinailangan pa niyang kalkalin ang bag niya para maibigay niya ang beinte singko sa kanyang pasahero,” napapangiting kuwento ng aming impormante.

Siguradong gets na gets n’yo na kung sino ang beteranang aktres na ito. Ubos!

Jose nag-a-ala-Dolphy?!

Kung pagkokomedya ang pag-uusapan ay angat na angat para sa amin ang talento ni Jose Manalo. Napakanatural niya, kaswal na kaswal, hindi na niya kailangan pang lukut-lukutin ang kanyang mukha para humalakhak ang manonood.

Mahalagang bahagi si Jose Manalo ng Eat Bulaga, ang pagbabatuhan nila ng komedya ni Wally Bayola ay masarap na sahog sa pananghalian, gamot sa isang makulimlim na araw ang talento sa pagpapatawa ni Jose.

Maligaya kaming malaman na ang magaling na payaso ay pinarangalan ng Philippine Movie Press Club (PMPC) bilang pinakamahusay na aktor (Best Single Performance By An Actor) sa kanyang pagganap sa pang-Mahal Na Araw na pagtatanghal ng noontime show.

Naalala namin ang pumanaw na Comedy King, walang kuwestiyon ang kanyang pagkokomedya pero napakagaling ding aktor sa drama ni Tito Dolphy sa Ang Tatay Kong Nanay, sumunod sa kanyang yapak si Jose Manalo.

Malaki talaga ang bentahe ng personalidad na nagpapahalaga sa kanyang trabaho, kahit pa may mga personal na problemang bumabagabag sa kanya, pansamantala niyang kinalilimutan ‘yun para makapagsabog ng kasiyahan sa kanyang manonood.

‘Yun si Jose Manalo. Sa kasagsagan ng paninira sa kanya ay patuloy pa rin siya sa pagpapatawa, kundi mo nga nasusubaybayan ang mga nangyayari sa kanyang buhay ay hindi mo aakalaing problemado pala ang may hawak ng mikropono, ganu’n kapropesyonal ang komedyanteng ito.

Sana’y maraming oportunidad pa ang maibigay sa kanya, sana’y mas maging mabait pa sa kanya ang kapalaran, poste ng komedya ngayon si Jose Manalo.

vuukle comment

ANG TATAY KONG NANAY

BEST SINGLE PERFORMANCE BY AN ACTOR

COMEDY KING

EAT BULAGA

JOSE MANALO

KANYA

KANYANG

NIYA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with