^

PSN Showbiz

Atat na ring kumanta Ate Guy excited nang magpa-opera

- Veronica R. Samio - Pilipino Star Ngayon

Malapit nang matapos ang kontratang pinirmahan ni Nora Aunor sa Kapatid Network. Pero wala pa siyang desisyon kung ire-renew pa niya ito o hindi na. Nang matanong kung ipagpapatuloy pa niya ang serbisyo niya sa nasabing istasyon sinabi niyang “Naghihintay lang akong kausapin nila. Naghihintay lang ako na mabigyan ng importansya”.

Ang pagtatampo niyang ito ay malinaw na bakas nang makausap siya sa presscon ng pelikula niyang Dementia na idinirek ng isang dating big boss ng TV5 na si Percy Intalan. Nagpasya nang iwan ni direk Percy ang kanyang mataas na posisyon sa network para maging direktor sa pelikula at ang Superstar nga ang nakuha niyang bida sa una niyang movie project.

Pero mag-renew man ng kontrata niya sa TV5 ang aktres, uunahin niyang pumunta ng U.S. para maisa­gawa ang matagal nang planong pagpapaopera niya ng kanyang lalamunan at maibalik ang boses niya. Gustung-gusto na ni Nora na mabalikan ang kanyang pagkanta. Baka nga kapag bumalik ang boses niya ay hindi muna siya umarte at pagtuunan muna ang kanyang pagkanta. Bukod sa pagkanta, makakatulong din nang malaki sa pag-arte niya kung maibabalik sa dati ang boses niya dahil hindi na sasakit ang lalamunan niya.

“Gusto ko nang kumanta talaga. Hindi lang ito matuluy-tuloy dahil hindi ako pinapayagan. Sana naman ngayon matuloy na,” may himig pakiusap na sabi ng aktres na matapos ang maganda nilang pagtatambal na muli ni Tirso Cruz III sa isang telemovie sa TV5, ang When I Fall In Love. Dito ay sabay na ipina­malas ng dating magka-love team ang mahirap pantayang husay nila sa pag-arte. Bukod sa Dementia, may nagawa pa siyang ibang pelikula, ang katatapos lang na ipalabas na Hustisya para sa Cinemalaya Fim Festival. May Padre de Familia pa siya at Whistleblower.

Tom kampanteng banggain sina Kuya Dick at Amy

Ang laki ng tiwala ng GMA 7 kay Tom Rodriguez para ipagkaloob dito ang paghu-host ng bago nilang game show na Don’t Lose The Money. Makakatapat nito ang halos institus­yon nang The Singing Bee ng Kapatid Network na ang mga host ay ang mga beteranong sina Rode­rick Paulate at Amy Perez.

Wala namang nararamdamang pag-aalala ang aktor sa pagsisimula ng kanyang bagong programa. Mas nananaig ang kanyang excitement sa bago niyang trabaho. First hosting job niya ito at tiwala siyang susuportahan ng network ang programa, hindi lamang sa premyo kundi maging sa guest.

Pag-unlock ng mga taxi driver, dapat tapatan ng tear gas

Nakikiramay ako sa pagpanaw  ng ina ng aktres na si Cherry Pie Picache na pinatay sa saksak ng mga nanloob sa kanyang tahanan noong kasagsagan ng bagyong Mario. Ibayong pag-iingat ang kinakailangtan nating gawin para mapa­ngalagaan ang ating mga sarili. Ako ay nagdadala na ng mini tear gas matapos dalawang ulit alisan ng driver ng power lock ang sinasakytan kong taxi. 

Mahilig akong matulog sa taxi, pero hindi nakaligtas sa aking pandinig ang ginawa niyang dalawang ulit na pag-unlock ng aming sasak­yan. Nang tanungin ko siya kung bakit niya ‘yun ginawa sa gitna ng napakahigpit na trapiko ay hindi niya ako sinagot. Buti na lang malapit na ako sa a­king ba­babaan. Mula noon lagi na akong may dalang pangdepensa, isang maliit na kutsilyo na pinalitan ng aking anak ng isang mini tear gas.

Ang katoto kong si Letty Celi ay handa na rin para hindi na maulit ‘yung pag-akbay sa kanya ng isang kabataang lalaki para kunin ang kanyang pera. Holdap na pala ‘yun.

Kung sasakay kayo ng taxi, kunan n’yo ng litrato sa pamamagitan ng inyong cellphone ang pangalan at numero ng sasakyan. Ipaalam n’yo sa driver ang ginawa n’yo para mag-isip siya ng makalawa bago niya kayo gawan ng masama. Kapag naranasan n’yo ‘yung naranasan kong pag-unlock ng driver ng power lock, baba na kayo agad. Baba rin kayo agad kapag walang pangalan ang taxi o plate number sa may gawing bintana ng sinasakyan niyo.

vuukle comment

KANYANG

KAPATID NETWORK

NANG

NIYA

NIYANG

PAG

PARA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with