^

PSN Showbiz

Wattpad nakuha ng TV5

- Veronica R. Samio - Pilipino Star Ngayon

Nakita marahil ng TV5 na napakalaki ng market para sa mga palabas na pambagets kung kaya simula sa Setyembre 22, sa primetime, magsisimula nang mapanood  ang  mini-series nila na Wattpad Presents, mga kuwento ng pag-ibig na nababasa sa libro at ngayon ay mapapanood na rin sa TV.

Bago sa TV, may dalawang pelikula na ng Viva Films ang pinilahan sa takil­ya. Una na ang Diary ng Panget na sinundan ng Talk Back and You’re Dead. Parehong galing sa libro ang dalawang pelikula na nagpasikat sa tambalang James Reid at Nadine Lustre.

Hangarin din ng TV5 na maipakilala nang  husto at mapasikat ang mga kabataan nilang artista na itatampok  sa mga nakakikilig na Isang Linggo, Isang Kuwento ng Pag-ibig na mula sa Wattpad na sila na lamang ang may karapatang gumamit.

Tampok sa unang linggo, mula Lunes hanggang Biyernes, ang My Tag Boyfriend na nagtatampok sa magkasintahang Jasmine Curtis Smith, isa sa mga prinsesa ng TV5 at ang Kapamilya actor na si Sam Con­cepcion. Hindi naman  nahirapan si Sam na magpaalam sa ABS-CBN para magawa ang istorya nila ni Jasmine.

Pangalawang istorya ng Wattpad ang Mr. Popular Meets Ms. Nobody na pagbibidahan ng mga Artista Academy scholar na si Mark Neumann at Shaira Mae dela Cruz. Tungkol ito sa isang perfect guy na umibig sa isang ordinaryong babae.

Ang Poser ang ikatlong kuwento na mapapanood sa Oktubre 6. Bida rito sina Akihiro Blanco at Chanel Morales.

Isang modern day Cinderella story naman ang gagampanan nina Carl Guevara at Eula Caballero. Pinamagatan itong Almost a Cinderella Story, tungkol sa paghahanap ng isang lalaki ng kanyang Cinderella. Kalahating  milyon na ang  nakakabasa ng kuwento na ito ni Soju sa Wattpad na excited na ring makita ang istorya sa TV.

Si Soxy Topacio ang resident director ng Wattpad Presents.

Jake Cuenca iniwan ng mga tinulungan

Bago pumunta ng New York si Jake Cuenca para sa isang buwang intensive ac­t­ing workshop, gu­mawa mu­na siya ng isang episode ng Maalaala Mo Kaya na mapapanood ngayong gabi sa ABS-CBN.

Bibigyang-buhay ni Jake ang karakter ni Igge, isang ulirang anak na hindi iti­nuring na iba ang mga anak ng kanyang nanay sa ibang lalaki. Sa labis na pagi­ging mapagmahal sa pamilya, nagsilbi siyang ama sa kanyang mga kapatid matapos pumanaw ang kanilang ina.

Anong gagawin ni Igge kung matapos ang lahat ng kanyang sakripisyo ay biglang lilisanin siya ng kanyang mga kapatid?

Bahagi rin ng episode sina John Manalo, Louise Abuel, Meg Imperial, Angelo Ilagan, Assunta de Rossi, Christopher Roxas, Juan Rodrigo, Lui Villaruz, Yna Estrada, Angeli Gonzales, at Junjun Quintana. Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Nuel Naval.

Maria Leonora… may kakaibang ending

Sa halip na matakot ay natuwa pa akong mapa­kinggan ‘yung sabay-sabay na pagsigaw ng mga katulad kong nanood ng Maria Leonora Teresa. Bawal sa akin ang matakot sa panonood pero gusto kong makita kung paano magdirek ng isang horror ang comedy director na si Wenn Deramas at nasiyahan naman ako sa produkto niya. Bago pumasok ng sinehan ay ipinangako ko sa aking anak na kapag hindi ko kinaya ay magtatakip na lamang ako ng mukha at pakikinggan ko na lamang ang mga nagaganap sa screen. Surprisingly, hindi ako nakaramdam ng takot. ‘Yung dalawa kong kasama ang napapaigtad sa mga lumalabas na eksena pero ako chill lang. Nagugulat lamang ako sa mga eksena.

Maganda ang role nina Iza Calzado, Jodi Sta. Maria, at Zanjoe Marudo. Sila talaga ang mga bida at hindi sina Maria, Leonora at Teresa. Nakakagulat at nakakabigla ang mga eksena sa pelikula pero, hindi ko kinailangang takpan ang mukha ko. Hindi ko lang malaman kung kailan nagiging bata ang mga manika. Kahit gumagalaw na sila’t pumapatay ay mga mukhang manika pa rin sila, kumpleto sa kanilang napakahahabang pilikmata. Pinaka-hindi ko naintindihan ay ‘yung ending. Pero ayaw ko namang sirain ang panonood n’yo, pero obvious na may kasunod na pelikula ito.

Anak ni Miguel Rodriguez mas pinili ang showbiz kesa sa pag-aabogado

Mayroon na palang anak na dalaga ang nama­ya­pa ng actor na si Miguel Rodriguez. Siya si Sam Rodriguez, 24 na taong gulang at isang Kapatid ar­tist. Anim na taon lamang siya nang pumanaw ang kanyang ama. Ang kanyang ina ay pure Chinese at nabibilang sa isang konserbatibong pamilya. Dapat ay nun pa nag-artista si Sam, pero sinunod muna niya ang payo ng kanyang ina na magtapos muna siya ng kanyang pag-aaral. Tapos siya ng Legal Management sa Ateneo at kung itutuloy niya ito sa pag-aabogado ay hindi pa niya alam. Ngayon ay wala pa siyang gaanong proyekto, pero kapag nakapagsimula na siya ay tuluy-tuloy na ito. Isa siya sa mabibigyan ng pagkakataon na makalabas sa Wattpad Presents.

vuukle comment

ISANG

JAKE CUENCA

KANYANG

SHY

WATTPAD PRESENTS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with