ABAP boxers sisimulan na ang paghahanda sa Asiad
MANILA, Philippines — Nakalinya na ang malalaking torneong lalahukan ng national boxing team bilang paghahanda sa 2018 Asian Games na idaraos sa Jakarta at Palembang sa Indonesia sa Agosto.
Nakatakdang umalis sa Sabado (Enero 27) ang anim na Pinoy boxers upang sumabak sa Indian Open sa New Delhi, India na lalahukan ng 25 koponan at binubuo ng 350 boxers.
Aalis din sa parehong petsa ang walong miyembro ng national team patungong Bangkok, Thailand para magpartisipa sa multi-nation, two-week training camp sa isang training center sa Muaklek - isang probinsiya sa Thailand na 1.5 oras ang layo mula sa Bangkok.
Dumating na sa bansa si Filipino-British boxer John Tupas Marvin na nakaginto sa light-heavyweight (81 kg) sa 2017 SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Kasama na ni Marvin ang national team sa PSC-ABAP Training Center sa Baguio at magiging bahagi rin ito ng Thai camp.
“We want no stone unturned in seeing to it that our boxers are primed not only for the Asian Games but all other competitions in the run-up to the Tokyo Summer Olympics. These form part of our long-range “Road to 2020” program developed with our coaches and sports science team,” wika ni Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) chief Ricky Vargas.
Sa Pebrero 1, pangungunahan ni middleweight (75 kg) Eumir Felix Marcial ang iba pang 2017 SEA Games gold medalist sa pagsabak sa World Series of Boxing (WSB) preliminary round sa Paris, France.
Magiging bahagi si Marcial ng Great Britain Lionhearts sa AIBA tournament na may 12 koponang kalahok mula sa iba’t ibang bansa. Kasama ni Marcial sa Lionhearts sina light-flyweight Carlo Paalam at bantamweight Mario Fernandez.
Sa Pebrero 11, lalahok din ang Pilipinas sa Asian Games Test Event sa Jakarta, Indonesia.
Ilulunsad din ang ‘Battle of Champions’ caravan-type tournament kung saan ang national boxers ay maglalaban-laban sa exhibition games sa iba’t ibang local venues na siyang gagamitin ng mga boxers para makondisyon.
- Latest