Almazan, Camson, Miranda sinuspinde ng PBA
MANILA, Philippines – Aabot sa P70,000 halaga ng multa ang makukuha ng PBA matapos ipatawag sa kanilang tanggapan ang tatlong manlalaro na nasangkot sa pamimisikal sa Philippine Cup.
Si Eric Camson ng Kia ang may pinakamalaking multa na P30,000 habang ang nakaaway niyang si Ramond Almazan ng Rain or Shine ay pinagbabayad ng P20,000.
Lumabas sa imbestigasyon ng PBA na si Camson ang nagsimula ng gulo nang sikuhin niya si Almazan sa kanilang pwestuhan sa pagkuha ng rebound.
Dahil sa kaniyang paniniko ay gumanti si Almazan na nauwi sa pisikalan.
Kapwa sila sinuspinde ni PBA officer in charge Willie Marcial.
Hindi makakapaglaro si Camson sa kanilang laban kontra Meralco bukas, habang sa Biyernes naman si Almazan kapag kinaharap ng Elasto Painters ang NLEX.
Samantala, suspendido rin si NLEX center Michael Miranda matapos sipain sa bayag si Chris Ross ng San Miguel Beer at pinagbabayad din siya ng P20,000.
Ayon sa ulat ng Spin.ph, hindi pinagsisisihan ni Miranda ang ginawa niya sa beteranong guard ng Beermen.
- Latest