Kerber tinakasan si Hsieh, sasagupa kay Keys sa quarters
MELBOURNE-- Tanging si Angelique Kerber ang natira bilang Grand Slam singles winner sa Australian Open women’s draw matapos makalusot sa kanyang fourth-round match.
Tinakasan ng dating No. 1-ranked player si No. 88-ranked Hsieh Su-wei, dating No. 1-ranked doubles player na may double-handed grip, sa pamamagitan ng 4-6, 7-5, 6-1 panalo papasok sa quarterfinals.
“Credit to her. She played an unbelievable match,” sabi ni Kerber, nagreyna sa Australian at U.S. Open at naging No. 1 noong 2016.
Dalawang Grand Slam doubles titles ang inangkin ni Hsieh at iniluklok bilang No. 1 sa doubles noong 2014 at sa edad na 32-anyos ay siya ang pinakamatandang player na nanatili sa draw.
Nagkaroon siya ng career-high ranking na No. 23 noong 2013 at maglalaro pa sa doubles draw ng Australian Open.
Gamit ang mga half-volleys at crosscourt ground strokes, binigyan ni Hsieh ng problema si Kerber.
Ngunit hindi napigilan si Kerber para sa kanyang 13-match winning streak at nakatakdang labanan si U.S. Open quarterfinalist Madison Keys sa quarterfinals.
Humataw si Keys ng 6-3, 6-2 panalo laban kay No. 8-seeded Caroline Garcia.
Sa men’s side, nagbalik si Tomas Berdych sa Australian Open quarterfinals sa pang-pitong pagkakataon matapos kunin ang 6-1, 6-4, 6-4 panalo kontra kay Fabio Fognini.
- Latest