Curry, Warriors pinasabog ni Harden
HOUSTON - Sinapawan ni James Harden, nagmula sa hamstring injury, si Stephen Curry ng Golden State Warriors habang nakahugot ng malaking produksyon ang Rockets mula kay Chris Paul.
Nagposte si Paul ng 33 points at 11 rebounds para pangunahan ang Houston sa 116-108 panalo at wakasan ang 14-game road winning streak ng Golden State.
“Obviously they’re a championship caliber team for the past four years ... and that’s what we’re trying to build our way up to,” sabi ni Harden, dalawang beses sinapawan si Curry.
Umatras si Harden kay Curry para isalpak ang kanyang 3-pointer bago tumunog ang kanilang shot clock para ibigay sa Rockets ang 114-108 bentahe sa huling 1:10 minuto.
Matapos ito ay sinupalpal ni Harden ang 3-point attempt ni Curry mula sa timeout ng Warriors.
Tumapos si Harden na may 22 points, samantalang nagsalpalk si Paul ng dalawang free throws sa natitirang 28 segundo para selyuhan ang panalo ng Houston laban sa Golden State.
Huling natalo ang Warriors sa labas ng kanilang tahanan noong Nobyembre 22. Nauna nang nagtala ng pitong sunod na panalo ang Golden State sa Houston.
Pinamunuan ni Kevin Durant ang Golden State mula sa kanyang 26 points habang nagdagdag si Draymond Green ng 21 markers at tumapos si Curry na may 19 points buhat sa 5-of-15 shooting sa 3-point line.
Sa Philadelphia, nagposte si Joel Embiid ng 29 points at 9 rebounds at kumamada ang 76ers sa fourth quarter para talunin ang Milwaukee Bucks, 116-94.
Ito ang pang-pitong panalo ng Philadelphia sa huli nilang walong laro.
- Latest