Cavs itinakas ni Thomas
ORLANDO — Kalmadong isinalpak ni Isaiah Thomas ang dalawang free throws para tulungan ang Cleveland Cavaliers na lusutan ang Magic, 104-103 at tapusin ang kanilang four-game slump.
Kinuha ng Cavaliers ang 60-43 kalamangan sa second quarter bago nakabawi ang Magic sa third period hanggang maagaw ang 103-102 abante sa huling 31 segundo ng final canto.
Nakakuha ng foul si Thomas at ipinasok ang dalawang charities para sa Cleveland kasunod ang mintis na layup ni Elfrid Payton sa huling posesyon ng Orlando.
Tumipa si Thomas ng 21 points habang may 16 markers si LeBron James at nagposte si Kevin Love ng 12 points at 11 rebounds.
Sa Houston, nagpasabog si Eric Gordon ng 30 points habang nagbalik naman si James Harden sa line-up para pamunuan ang Rockets sa 116-98 panalo laban sa Minnesota Timberwolves.
Nagtala si Harden, hindi nakalaro sa pitong laban ng Houston bunga ng left hamstring strain, ng 10 points mula sa 3-for-15 shooting bukod pa ang 7 assists, 2 steals at 2 blocks sa loob ng 26 minuto.
Kumolekta naman si Chris Paul ng 19 points, 9 assists at 6 rebounds para sa Rockets.
Naipanalo ng Houston ang 15 sa kanilang huling 17 paghaharap ng Minnesota, kasama ang 10-game winning streak sa kanilang tahanan.
- Latest