E-Painters pinigil ang Fuel Masters
Laro Bukas(Cuneta Astrodome)
4:30 p.m. Blackwater vs Globalport
7 p.m. NLEX vs San Miguel
MANILA, Philippines — Kasabay ng pagpigil sa kanilang dalawang sunod na kamalasan ay tinapos ng Rain or Shine ang two-game winning run ng Phoenix.
Naging mainit ang opensa ng Elasto Painters sa pagsisimula ng laro patungo sa kanilang 120-99 paglampaso sa Fuel Masters sa 2018 PBA Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Bumandera si Ed Daquioag mula sa kanyang 21 points, tampok ang 7-of-10 fieldgoal shooting, bukod pa ang 5 rebounds, 5 assists, 1 steal at 1 block habang nagdagdag sina two-time Most Valuable Player James Yap, Dexter Maiquez at Chris Tiu ng 20, 18 at 17 markers, ayon sa pagkakasunod.
“Phoenix is one of the best teams at the start of the season. They look so good, especially when they beat NLEX,” sabi ni head coach Caloy Garcia. “Sabi ko nga sa mga players ko the only way we can lose this game is if we feel the pressure. We know Phoenix likes to press a lot, and today I think we beat their pressure.”
Binuksan ng Rain or Shine ang labanan sa pagsikwat ng 18-5 kalamangan kontra sa Phoenix na kanilang pinalobo sa 36-9 buhat sa three-point shot ni Dexter Maiquez sa huling 1:52 minuto ng first period.
Isinara ng Elasto Painters ang first half tangay ang 57-40 bentahe at hindi na nagpaawat sa Fuel Masters tungo sa panalo.
Nauna nang umiskor ang Phoenix ng 125-102 panalo laban sa Kia noong Disyembre 27 at pinatumba naman ang NLEX, 102-95 noong Enero 7.
Umiskor naman sina Matthew Wright at rookie forward Jason Perkins ng tig-17 points para sa Fuel Masters kasunod ang 12 markers ni Gelo Alolino.
Rain or Shine 120 - Daquioag 21, Yap 20, Maiquez 18, Tiu 17, Nambatac 11, Ponferada 10, Ahanmisi 10, Borboran 4, Norwood 4, Trollano 3, Matias 0.
Phoenix 99 - Wright 17, Perkins 17, Alolino 12, Chan 11, Dehesa 11, Intal 10, Eriobu 7, Kramer 5, Jazul 5, Wilson 2, Mendoza 2, Chua 0,Revilla 0.
Quarterscores: 39-13; 57-40; 98-67; 120-99.
- Latest