So, Russian GM draw
MANILA, Philippines — Muling nagtala ng draw si reigning champion Grandmaster (GM) Wesley So sa third round ng prestihiyosong 2018 Tata Steel chess tournament na ginaganap sa Wijk aan Zee, Netherlands.
Nagkasundo sina So at GM Sergey Karjakin ng Russia na mag-draw matapos ang 46 moves sa torneong may nakalaang €10,000 sa magkakampeon at €6,500 sa runner-up.
Ito ang ikatlong sunod na draw ni So matapos makihati sa puntos sa first round kay GM Shakhriyar Mamedyarov ng Azerbaijan at sa second round kay GM Maxim Matlakov ng Russia.
Nasa ikaanim na puwesto si So kasama sina Karjakin, GM Peter Svidler ng Russia at GM Vladimir Kramnik ng Russia tangan ang pare-parehong 1.5 puntos.
Magkasosyo sa unahan sina GM Viswanathan Anand ng India at GM Anish Giri ng Netherlands na may parehong 2.5 puntos kasunod sa No. 3 spot sina Mamedyarov, GM Gawain Jones ng Great Britain at world champion GM Magnus Carlsen ng Norway na may tig-dalawang puntos.
Naitala ni Anand ang impresibong panalo laban kay GM Fabiano Caruana ng Amerika sa kanilang third-round match habang nauwi rin sa draw ang laban nina Giri at Svidler.
- Latest