T’Wolves hiniya ang Blazers
MINNEAPOLIS --Kumamada si Jimmy Butler ng 24 points habang nagdagdag si guard Jeff Teague ng 22 markers para tulungan ang Minnesota Timberwolves sa 120-103 paggupo sa Portland Trail Blazers.
Kumolekta si Karl-Anthony Towns ng 20 points at 11 rebounds para sa NBA-leading niyang ika-37 double-double ngayong season.
Winalis ng Timberwolves ang kanilang limang sunod na laro sa Minneapolis na huli nilang nailista noong 2001.
Ipinoste ng Minnesota ang 26-point lead para ipalasap sa Portland ang pangatlong dikit na kamalasan.
Umiskor si Damian Lillard ng 21 points kasunod ang tig-18 markers nina C.J. McCollum at Pat Connaughton para sa Blazers.
Sa New York, kumabig si Anthony Davis ng season-high 48 points at pumitas ng 17 rebounds para ihatid ang New Orleans Pelicans sa pagbangon mula sa 19-point deficit sa third quarter at kunin ang 123-118 overtime victory laban sa Knicks.
Nag-ambag si Jrue Holiday ng 31 points habang nagposte si DeMarcus Cousins ng 15 points, 16 rebounds, 7 steals at 5 assists para sa Pelicans, nakabawi mula sa 16-point deficit sa first period at nine-point deficit sa huling 4 1/2 minuto sa regulation.
Nagsalpak si Holiday ng tatlong baskets at dalawang free throws sa overtime para ipanalo ang New Orleans laban sa New York.
“I thought we did a great job in the overtime,” sabi ni Pelicans coach Alvin Gentry. “AD was just huge for us, and when you get into those zones like that he’s really good.”
Tumipa naman sina Kristaps Porzingis at Tim Hardaway Jr. ng tig-25 points sa panig ng Knicks, nalasap ang kanilang ikatlong sunod na kabiguan at pang-10 sa huli nilang 12 asignatura.
Nag-ambag si Jarrett Jack ng season-high 22 points, samantalang kumolekta si Enes Kanter ng 18 points at 10 rebounds para sa New York.
- Latest