Biado sasagupa sa Chinese sa main draw
MANILA, Philippines — Bubuksan ni Filipino world billiards champion Carlo Biado ang kampanya sa pagsagupa kay Wu Zhengyu ng China sa pagsisimula ng main draw ng 2018 World Chinese 8-Ball Masters sa Olympic Stadium sa Qinhuangdao City, China.
Ang reigning World 9-Ball titlist na si Biado ang nag-iisang pambato ng Pilipinas sa naturang torneo matapos umatras si 2004 World 9-Ball champion Alex Pagulayan at mabigong makahirit ng tiket sa main draw sina World 9-Ball runner-up Roland Garcia at Eric Enriquez Bayhon sa qualifying round.
Nagtala ng apat na sunod na panalo si Garcia kina Yana Shut ng Belarus, Andreja Klasovic ng Serbia, Carlos Garcia ng Spain at Ryan Fleming ng Great Britain sa losers’ bracket bago yumukod kay World Pool Series Grand Finale champion Klenti Kaci ng Albania, 7-13, sa kanilang ‘do-or-die’ match.
Lumasap naman si Bayhon ng dalawang sunod na kabiguan kontra kina Jin Zhonghe ng France at Chan Ken Kweng ng Singapore.
Nauna nang umusad sa second round si defending champion Gareth Potts ng Great Britain kasama sina American Shane Van Boening, Chinese Zhang Kunpeng, Mongolian Delgerhuu Ahtuya at South African Richard Halliday. (Chris Co)
- Latest