Garcia, Bayhon nanganganib masibak
MANILA, Philippines — Lumasap ng kabiguan sina 2017 World 9-Ball Championship runner-up Roland Garcia at Eric Enriquez Bayhon upang mahulog sa losers’ bracket sa qualifying round ng 2018 World Chinese 8-Ball Masters na ginaganap sa Olympic Stadium sa Qinhuangdao City, China.
Nagtamo si Garcia ng 1-13 desisyon laban kay reigning World Pool Series Grand champion Klenti Kaci ng Albania sa second round habang parehong 1-13 pagyuko ang natikman ni Bayhon kontra naman kay Chan Ken Kweng ng Singapore sa hiwalay na second-round game.
Nauna nang nagtala si Garcia ng impresibong 13-0 panalo laban kay Jorge Castillo ng Spain sa opening round habang nakasiguro naman ng bye si Bayhon.
Kinakailangan nina Garcia at Bayhon na maipanalo ang kanilang mga nalalabing laro para makahirit ng tiket sa main event ng torneong may nakalaang tumataginting na $151,000 sa magkakampeon.
Makakalaban ni Garcia si Carlos Garcia ng Spain samantalang makakatipan ni Bayhon si Jin Zhongzhe ng France.
- Latest