Winning tradition dadalhin ni Lim sa Perpetual Help Altas
MANILA, Philippines — Maganda ang nakikitang kinabukasan ng University of Perpetual Help System Dalta ayon kay Frankie Lim na siyang bagong talagang basketball consultant ng Altas.
Ilang linggo na si Lim sa kampo ng Altas at agad nitong naramdaman ang determinasyon ng tropa upang maibalik ang sigla ng kanilang kampanya sa susunod na edisyon ng liga.
“They’re hungry and eager to learn, that’s my first impression of the team since I arrived,” pahayag ni Lim na umaasang madadala nito ang kanyang winning tradition sa Perpetual Help.
Magugunitang hinatak ni Lim ang San Beda College sa apat na kampeonato noong 2007, 2008, 2010 at 2011 edisyon ng pinakamatandang collegiate league sa bansa.
Kinuha ng Perpetual Help si Lim para tulungan si Altas coach Nosa Omorogbe sa basketball program ng unibersidad.
Unang masusubukan ang tikas ng Altas sa pagsabak nito sa PBA D-League na magsisimula sa Enero 18.
Nasa rebuilding process pa ang Perpetual Help matapos ang paglisan ni Nigerian star Bright Akhuetie na lumipat sa University of the Philippines na naglalaro sa UAAP.
“We’re still in the rebuilding process and joining the D-League will help us how in getting playing experience,” ani Lim.
Sa Season 93, nagtapos ang Perpetual Help sa ikawalong puwesto kasalo ang College of St. Benilde hawak ang 4-14 rekord.
Babanderahan ang Altas ni 6-foot-11 Nigerian Prince Eze na miyembro ng NCAA First Mythical Team kasama sina AJ Coronel, Kieth Pido, Jack Hao at Antonio Tamayo.
Nasa lineup din ang baguhang sina Edgar Charcos na mula sa University of the East, Krystoffe Jimenez na galing sa Far Eastern University at Anthony Peralta na hinugot mula sa Cagayan de Oro gayundin sina Danreb Antonio, Julius Tiburcio, Kim Aurin, Jerome Pacia, Jonmarc Precillas, Isidro Salvador, Marcus Tongco, Jonrey Villanueva, Rommel Mangalino at Carl Soriano.
- Latest