PSN Palaro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Philippine sports top 10 story

Krizziah Tabora

MANILA, Philippines — Maraming nangyari sa mundo ng palakasan sa taong ito.

May ilang kontrobersiya ngunit mas lumutang pa rin ang tagumpay ng mga atletang nagbigay ng karangalan sa bansa.

1. Nangunguna na rito ang boxing kung saan pa­tuloy ang pagwagayway ng bandila ng Pilipinas matapos magwagi sina Jerwin Ancajas at Donnie Nietes sa kani-kanilang mga laban.

Sumabak ng tatlong beses sa taong ito si Ancajas upang matagumpay na maipagtanggol ang kanyang IBF junior bantamweight title.

Unang tinalo nito si Jose Alfredo Rodriguez ng Mexico noong E­nero 29 sa Macau kasunod ang pagpapabagsak kina Teiru Kinoshita ng Japan noong Hulyo 2 sa Australia at Jamie Conlan ng Ireland noong Nobyembre 18 sa Ireland.

Napanalunan naman ni Nietes ang IBF flyweight title noong Abril 29 sa Cebu City matapos kubrahin ang unanimous decision win kay Komgrich Nantapech ng Thailand para manati­ling longest running undefeated Filipino boxer.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

At sa pagpasok ng taon, ipagtatanggol nina Ancajas at Nietes ang kanilang korona.

Unang sasalang si N­ietes sa Enero 16 laban kay Juan Carlos Reveco ng Argentina sa Macau habang lalarga naman si Ancajas kontra kay Israel Gonzalez ng Mexico sa Pebrero 3 sa Amerika.

2. Itinanghal ding ba­gong kampeon sa billiards si Carlo Biado nang pag­ha­rian  ang World 9-Ball Championship crown sa Do­ha, Qatar kung saan ti­nalo nito ang kababayang si Roland Garcia sa all-Filipino finale.

Maihahanay na si Biado kina legendary cue masters Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante at Ronnie Alcano at Alex Pagulayan na mga nauna nang nagkampeon sa World 9-Ball event.

Bukod sa world title, nakasungkit din si Biado ng gintong medalya sa prestihiyosong World Games sa Wroclaw, Poland at sa 2017 Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.

3. Hindi rin pahuhuli ang bowling nang tuldukan ni Krizziah Tabora ang ilang taong pagkauhaw ng titulo sa pamosong Bowling World Cup na ginanap sa Hermosillo, Mexico.

Iginupo ni Tabora sa finals si Malaysian Siti Safiyah sa iskor na 236-191 de­sisyon.

Si Tabora ang ikatlong Pilipina na nagkampeon sa World Cup matapos mamayagpag sina Lita De­la Rosa noong 1978 at Bong Coo noong 1979.

Sa kabuuan, si Tabora ang ikalimang Pinoy na nag­­wagi sa World Cup ka­sama sina Paeng Nepomuceno na naghari noong 1976, 1980, 1992 at 1996, at Christian Jan Suarez na na­ngibabaw naman noong 2003.

4. Maingay din ang Phi­lippine Basketball Asso­ciation.

Nasungkit ng San Mi­guel Beermen ang kanilang ikat­long sunod na Philippine Cup title matapos ta­lunin sa best-of-seven fi­nals ang Barangay Ginebra, 4-1.

Sinundan ito ng Beermen ng panibagong kampeonato sa Commissio­ner’s Cup nang pataubin ang Talk ‘N Text sa championship series, 4-2.

Ngunit ang tangkang Grand Slam ng Beermen ay naudlot.

Hinarang ng Gin Kings ang Grand Slam bid ng Beermen nang patalsikin ng una ang huli sa quarterfinals ng Governors’ Cup.

Pinagharian ng Ginebra ang naturang kumperensiya sa pamamagitan ng 4-3 pananaig sa Meralco sa finals.

Gumawa rin ng kasaysayan ang PBA nang maitala nito ang record-brea­king attendance na mahigit 54,000 kataong nanood sa Ginebra-Meralco finals.

Bago matapos ang ta­on, isang pasabog ang ini­wan ng PBA makaraang mag­bitiw sa puwesto si Chito Narvasa bilang commissioner. Itinalagang OIC si Willie Marcial.

5. Isang klasikong season ang nasaksihan sa UAAP Season 80.

Muling nagharap ang mortal na magkaribal na  Ateneo de Manila University at De La Salle University.

Pisikalang laro, duma­nak ang dugo’t pawis su­balit sa huli, natirang nakatayo ang Blue Eagles ta­ngan ang kanilang ikasiyam na korona sa liga.

Hindi naging madali ang daang tinahak ng Ate­neo dahil kinailangan nitong itakas ang 2-1 panalo sa best-of-three championship showdown. Nakauna ang Blue Eagles nang ang­kinin ang 76-70 desisyon sa Game 1 bago tumabla ang Archers bunsod ng 92-83 pananaig sa Game 2.

Subalit higit na kinatigan ng suwerte ang Ateneo na siyang dumagit ng 88-86 pa­­nalo sa rubber match tu­ngo sa kampeonato.

May sariling pasabog din ang UAAP matapos li­sanin ni two-time MVP Ben Mbala ang kampo ng Green Archers.

Nagdesisyon itong u­ma­­lis upang maglaro sa commercial league sa Me­xico.

6. Pasok din ang NCAA sa listahan kung saan nakumpleto ng San Beda College ang back-to-back rampage.

Sa pagtatapos ng eliminasyon, namayagpag ang Lyceum of the Philippines na nakumpleto ang 18-0 sweep para awtomatikong umusad sa finals.

Kaya naman mas na­ging determinado ang San Be­da na dumaan pa sa step­ladder knockout semis pa­ra maisaayos ang pakiki­pagtipan sa Lyceum.

Inilabas ng Red Lions ang matatalim na pangil ni­to upang pigilan ang mga Pirata.

Gamit ang malalim na ka­ranasan, winalis ng San Be­da ang serye tampok ang 94-87 panalo sa Game 1 at 92-82 demolisyon sa Game 2 para mapanatili ang korona sa Mendiola.

7. Nagdiwang ang buong sambayanan nang ma­kuha ng Pilipinas ang hos­ting rights sa 2023 FIBA World Cup.

Matapos mabigo noong 2015, tiniyak ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na makukuha nito ang hosting job bunsod ng magandang presentasyon sa FIBA Central Board.

Makakasama ng Pilipi­nas sa pagtataguyod ng world meet ang Japan at In­donesia.

May kabuuang 32 koponan ang lalahok sa FIBA World Cup - 16 dito ay darating sa Pilipinas habang paghahatian ng Japan at Indonesia ang natitirang 16 bansa.

Sa Pilipinas idaraos ang finals kung saan puntirya ng SBP na lampasan ang record attendance na 35,000 sa World Cup. Gaganapin ang finals sa Philippine Arena na kayang magpasok ng 55,000 katao.

Ngayon pa lang, nais ni SBP chairman emeritus Manny V. Pangilinan na simulan na ang pagbuo sa malakas na koponang isasabak sa World Cup upang matiyak na makakapagbigay ng magandang laban ang Gilas Pilipinas.

8. Masama ang kampanya ng Pilipinas sa 2017 Southeast Asian Games.

Nakapag-uwi lamang ang pambansang koponan ng 24 ginto, 34 pilak at 63 tansong medalya - ang pi­nakamasamang pagtatapos ng Pilipinas sapul nang angkinin nito ang pangkalahatang kampeonato noong 2005 sa Maynila.

Nanguna ang athletics sa may pinakamaraming medalya nang umani ito ng limang ginto, tatlong pilak at 10 tanso sa pangu­nguna ni Filipino-American sprin­ter Trenten Anthony Beram na may dalawang ginto at isang tansong medalya.

Tiwala si Philippine Sports Commission chairman William “Butch” Ra­mirez na mahahablot ng Pi­lipinas ang ikala­wang overall championship title sa oras na ganapin sa bansa ang SEA Games sa 2019.

9. Namayagpag ang vol­leyball sa bansa at ma­la­king tulong ang Premier Volleyball League at Philippine Superliga upang tunay na mapataas ang lebel ng volleyball sa bansa.

Sa PVL, muling nag­kam­peon ang Pocari­ Sweat sa Reinforced Con­­ference sa likod nina Ame­rican imports Michelle Strizak at Krystal Rivers kasama si power-hitting Myla Pablo.

Subalit naputol ang do­minasyon ng Lady Warriors nang matalo ito sa BaliPure Water Defenders sa Open Conference.

Sa Collegiate Confe­rence, winalis ng National Uni­versity ang lahat ng si­yam na asignatura nito para masikwat ang kanilang ikatlong titulo sa liga.

Binuksan naman ng PSL ang taong ito sa pagtatanghal ng Invitational Conference kung saan iti­nanghal na co-champions ang Cignal at guest team Ko­be Shinwa University mula sa Japan.

Pinagreynahan naman ng Petron ang All-Filipino Conference, habang na­ma­yagpag ang F2 Logis­tics sa season-ending Grand Prix.

10. Maganda ang kampanya ng Philippine Swimming League sa international competitions.

Sumisid ang PSL tan­kers ng kabuuang 665 me­dalya tampok ang 45 Most Outstanding Swimmer awards at 51 meet re­cords na naitala nito sa 12 international events na nilahukan ng tropa.

Nanguna sa kampanya ng PSL sina reigning Female Swimmer of the Year Micaela Jasmine Mojdeh ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque at Male Swimmer of the Year Marc Bryan Dula ng Wisenheimer Academy.

Nagsagawa rin ang PSL ng 21 local tournaments sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang bahagi ng grassroots development program ng asosasyon.

Inaasahang magpapa­tuloy ang programa sa susunod na taon sa layuning makatuklas pa ng mga ba­gitong tankers na sasabak sa iba’t ibang international tournaments.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: