Segunda uli si Aranas sa US Bar Table 8-Ball
MANILA, Philippines — Muling nagkasya sa runner-up honors si Zoren James Aranas sa pagkakataong ito sa 8-Ball event ng 2017 US Bar Table Championship na ginanap sa Westgate Las Vegas Resort and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Abot-kamay na ni Aranas ang kampeonato nang tumuntong ito sa championship round tangan ang twice-to-beat advantage laban kay dating World Cup of Pool winner Shane Van Boening ng Amerika.
Subalit muling nanaig ang malalim na karanasan ni Van Boening nang itarak ang impresibong 5-1 panalo sa kanilang unang paghaharap na sinundan ng isa pang matikas na 5-2 panalo sa rubber match.
Nagkasya sa $2,300 runner-up purse si Aranas habang naibulsa ni Van Boening ang $4,000 premyo.
Nakuha ni Aranas ang twice-to-beat card sa finals matapos walisin ang lahat ng kanyang asignatura sa eliminasyon.
Tinalo nito sina Michael Tonsowny sa first round (5-0), Andrew Wroblewski sa second round (5-3), Marshall Hill sa third round (5-2), Mitch Ellerman sa fourth round (5-2), Skyler Woodward sa quarterfinals (5-0) at Jesse Engel sa semifinals (5-3).
Dumaan naman sa butas ng karayom si Van Boening na nanggaling pa sa losers’ bracket.
Una munang pinayuko ni Van Boening sina Ernesto Dominguez (5-1), Dave Strachan (5-0), Dennis Orcollo (5-3) at Max Eberle (5-4).
Lumasap ng unang kabiguan si Van Boening nang payukuin ito ni Engle (4-5) dahilan upang mahulog sa one-loss side.
Sa losers’ column, ginapi ni Van Boening sina Mitch Ellerman (5-1), Skyler Woodward (5-3) at Engel (5-2) para maisaayos ang pakikipagtipan kay Aranas.
Ito ang ikalawang sunod na runner-up trophy ni Aranas.
Pumangalawa rin ito sa katatapos lang na 9-Ball event ng US Bar Table Championship.
- Latest