Aranas runner-up kay Van Boening sa US Bar Table 9-Ball
MANILA, Philippines — Nagkasya sa runner-up trophy si Jamez Zoren Aranas sa katatapos na 2017 US Bar Table 9-Ball Championship na ginanap sa Westgate Las Vegas Resort and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Hindi umubra ang tikas ni Aranas kay world champion Shane Van Boening ng Amerika matapos lumasap ng 2-9 kabiguan sa championship round.
Kaagad na inilabas ni Van Boening ang malalim niyang karanasan nang kunin ang 4-2 kalamangan.
May tsansa sana si Aranas na makabalik sa porma nang magmintis si Van Boening sa ikapitong rack.
Subalit sumablay si Aranas sa No. 6 ball dahilan para makuha ni Van Boening ang naturang rack patungo sa 5-2 bentahe.
Mula dito ay hindi na lumingon pa ang Amerikanong cue master para tuluyang angkinin ang $3,500 papremyo.
Nagkasya lamang sa $2,100 konsolasyon si Aranas.
Maganda ang simula ni Aranas nang isa-isa niyang pataubin sina Donald Weatherby sa first round (9-3), Jeremy Edwards sa second round (9-7), Jason Klatt sa third round (9-6), Sky Woodward sa fourth round (9-8), Amar Kang sa quarterfinals (9-7) at Jesse Engle sa semifinals (9-2).
Malinis na tinapos ni Van Boening ang torneo nang talunin sina Abrin Schaad (9-6), Ernesto Dominguez (9-3), Oscar Dominguez (9-7), Billy Stephan (9-1) at Mitch Ellerman (9-4).
Muling magtatangka si Aranas sa 8-Ball event ng 2017 US Bar Table Championship na nakatakda sa Linggo ng gabi sa Amerika.
- Latest