F2 humirit ng game 3
MANILA, Philippines — Hindi hinayaan ng F2 Logistics na mawalis sila ng Petron sa serye.
Tinalo ng Cargo Movers ang Blaze Spikers, 25-20, 24-26, 14-25, 25-19, 15-4, sa Game Two ng Philippine Super Liga Grand Prix Finals kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Bumangon ang F2 Logistics mula sa isang one-set deficit at sa 0-9 pagkakabaon sa fourth set para resbakan ang Petron at itabla sa 1-1 ang kanilang best-of-three championship series.
Nakatakda ang ‘winner-take-all’ match bukas ng alas-4 ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Matapos makatabla sa fourth set, 2-2, ay kinuha ng Cargo Movers ang 9-3 abante sa fifth set sa likod ni Cha Cruz.
“Lagi naming pinaalala sa team na mag-enjoy lang sa laro. Lahat naman kami gustong manalo. You know, our hearts never give-up at pinatunayan namin ‘yan ngayon,” sabi ni Cruz na nagtala ng 6 attacks, 1 block at 1 service ace.
Samantala, dahil sa kanyang inihataw na record-breaking na 41 points ay maaaring makuha ni Foton import Sara Klisura ang Most Valuable Player (MVP) award.
Paboritong makamit ng Serbian ang award laban sa mga bigating reinforcements kagaya nina Lindsay Stalzer at Hillary Hurley ng Petron at Maria Jose Perez at Kennedy Bryan ng F2 Logistics.
Si Klisura ang naging susi sa pagtatala ng Tornadoes ng 7-1 win-loss record sa eliminations at sa pagsibak sa Sta. Lucia Lady Realtors sa quarterfinals.
Ngunit sa semifinals ay yumukod ang Foton sa Petron na dumiskaril sa kanilang hangad na ‘three-peat’ sa PSL Grand Prix.
“We agreed that Sara is one of the best foreign players in the league,” sabi ni Tornadoes’ head coach Boris Branislav kay Klisura, naging player niya sa isang club league sa Serbia.
- Latest