LA dinala ng Kia sa Phoenix
MANILA, Philippines — Natuloy na ang pagpapakawala ng Kia kay point guard LA Revilla.
Dinala ng Picanto sa Phoenix Fuel Masters ang dating kamador ng La Salle Green Archers sa UAAP para makuha si second-round draft pick Jason Grimaldo at isang future second-round choice.
Ang 5-foot-8 na si Revilla, ang third-round pick ng Globalport noong 2013 PBA Rookie Draft, ang naging top player ng Kia ni coach Chris Gavina sa tatlong seasons.
Ngunit dahil sa kanyang kontrobersyal na tweet tungkol sa trade na nangyari sa pagitan ng Picanto at San Miguel Beermen para sa No. 1 overall pick sa 2017 PBA Rookie Draft ay kaagad siyang hinanapan ng ibang koponan ni Kia top official Bobby Rosales.
“Kung magpapalusot man lang sana ginandahan n’yo na ang rason. Hindi talaga eh. Bagsak kayo sigurado kung may lie detector,” pahayag ni Revilla sa social media matapos gamitin ng San Miguel ang nasabing No. 1 overall pick para kunin si Christian Standhardinger.
Bagama't may dalawang taon pa sa kanyang kontrata ay ibinigay ng Picanto si Revilla sa Fuel Masters.
Sa backcourt ng Phoenix ni coach Louie Alas ay makakasama ng 27-anyos na tubong Bacolod City sina RJ Jazul at Gelo Alolino.
- Latest