PSN Palaro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Amit, Centeno abante sa main draw ng World 9-Ball

MANILA, Philippines — Pasok sa main draw sina two-time world champion Rubilen Amit at Southeast Asian Games champion Chezka Centeno matapos magtala ng dalawang sunod na panalo kahapon sa 2017 Women’s 9-Ball World Championship na ginaganap sa County Gymnasium sa Chengmai County, Hainan sa China.

Pinataob ni Amit si Kristina Tkach ng Russia sa kanyang unang pagsalang sa bisa ng 7-5 panalo na agad nitong sinundan ng impresibong 7-2 pana­naig laban naman kay Kyosuke Sone ng Japan sa second round sa Group 2.

Naging madali rin ang daang tinahak ni Centeno nang kubrahin nito ang 7-4 panalo laban kay Kim Bo Geon ng South Korea sa first round at ang 7-3 desisyon kay Shi Tianqi ng China sa second round sa Group 5.

Kasama rin nina Amit at Centeno na umabante sina Kuo Szu-Ting ng Chinese-Taipei at Yang Fan ng China na nagrehistro rin ng dalawang panalo sa kani-kanilang laban sa torneong may nakalaang kabuuang $175,000 prem­yo.

Tinalo ni Kuo sina Jane Perez ng Mexico (7-4) at Yin Lim ng South Korea (7-1) habang nanaig si Yang sa kanyang kababayang sina Liu Xia Zhi (7-5) at Ge Bai (7-4) para makahirit ng tiket sa knockout stage.

Nakalaan ang $43,000 premyo para sa magkakampeon at  $21,000 naman sa runner-up.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: