PSN Palaro ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

San Beda, Lyceum unahan sa game 1

San Beda coach Boyet Fernandez at Lyceum mentor Topex Robinson

Laro Ngayon (Smart Araneta)

3:30pm San Beda vs Lyceum

MANILA, Philippines — Mag-uunahan ang nagdedepensang San Beda College at Lyceum of the Philippines na makalapit sa titulo sa paglarga ng Game 1 ng NCAA Season 93 mens basketball best-of-three championship series ngayong hapon sa Smart Araneta Coliseum.

Magpapang-abot ang Red Lions at Pirates sa alas-3:30 kung saan inaasahan ang matinding bakbakan upang makuha ang pambuenamanong panalo sa serye.

Magkaibang daan ang tinahak ng dalawang koponan bago makapasok sa finals.

Nakumpleto ng Lyceum ang impresibong 18-0 sweep sa eliminasyon na nagdala sa kanila sa kauna-unahang pag-entra sa finals sapul nang sumabak ang tropa sa liga may anim na taon na ang nakalilipas.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Kinailangan naman ng San Beda na dumaan sa stepladder semis kung saan tinalo nito ang San Sebastian College-Recoletos, 76-71  sa kanilang do-or-die game noong Martes.

Ilang linggo ring nakapagpahinga ang Pirates kaya naman mahabang panahon ang ginugol nito upang makabuo ng plano para sa finals.

Sa katunayan, iba’t ibang aktibidad ang ginawa ng tropa ni Lyceum mentor Topex Robinson.

Bumisita ang buong Lyceum team sa White Cross upang bigyan ng saya ang mga ulilang bata na nakatira doon.

Nanood rin ang Pirates sa UAAP games sa Smart  Araneta noong Miyerkules upang ma-acclimatize ang kanilang grupo sa ‘championship atmosphere’ pagdating ng Game 1.

“Gusto lang namin ma-visualize ang mangyayari sa mga susunod na linggo dahil dito (Araneta) gaganapin ang finals. It’s like mentally preparing ourselves for the battle,” wika ni Robinson.

Umaasa si Robinson na hindi kakalawangin ang kanyang bataan.

Huling naglaro ang Pirates noong Oktubre 19 nang talunin nila ang Red Lions sa huling araw ng eliminasyon.

“We haven’t accomplished anything yet. Hopefully makuha namin,” ani Robinson.

Sasandalan ng Pirates si MVP candidate CJ Perez kasama sina Mike Nzeusseu, MJ Ayaay, Reymar Caduyac at ang Marcelino twins na sina Jaycee at Jayvee.

Sa kabilang banda, mataas ang moral ng Red Lions matapos ang kanilang impresibong panalo sa Stags.

Nais ni San Beda coach Boyet Fernandez na dalhin ng kanyang tropa ang momento sa finals.

Kaya naman babanat ng husto sina Javee Mocon, Robert Bolick, Donald Tankoua, AC Soberano at Davon Potts sa tangkang mapanatili sa kanilang teritoryo ang kampeonato.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us: