So pasok sa Candidate Tournament
MANILA, Philippines — Binigyan ng wild card si Filipino Grandmaster Wesley So sa prestihiyosong 2018 Candidate Tournament na gaganapin sa Marso 10 hanggang 28 sa Berlin, Germany.
Hinihintay na lamang ni So ang opisyal na anunsiyo ng International Chess Federation (FIDE) na siyang nagbibigay ng tiket sa naturang torneo na nakalaan lamang sa pinakamahuhusay na chess players sa mundo.
“They say I have made it to The Candidates. Anyway, I see my name on this list... This is a very big deal and if it is really true (FIDE has not yet spoken so I don’t want to break my heart by rejoicing yet) then all I can say is Thank you Lord,” wika ni So sa post sa kanyang Facebook account.
Maliban kay So, binigyan din ng wild card si US Olympiad member GM Fabiano Caruana gayundin si GM Vladimir Kramnik ng Russia.
Sa kasalukuyan, may anim na manlalaro na ang nakasisiguro ng tiket sa Candidates’ Tournament.
Nauna nang nakahirit ng puwesto sina GM Levon Aronian ng Armenia at GM Ding Liren ng China dahil sa kanilang matikas na kampanya sa World Cup gayundin si GM Sergey Karjakin ng Russia.
Sa ngayon, naghahanda muna si So sa kanyang pagsabak sa 2017 Champions Showdown na gaganapin sa Nobyembre 9 hanggang 14 sa Saint Louis Chess Club sa Amerika.
Makakasama ni So sa naturang event sina Caruana, Ding, reigning world champion GM Magnus Carlsen ng Norway, GM Hikaru Nakamura ng US, GM Veselin Topalov ng Bulgaria, GM Alexander Grischuk ng Russia at GM Lenier Dominguez ng Cuba.
Makakaharap ni So si Dominguez habang magtitipan sina Nakamura at Topalov, Caruana at Grischuk, at sina Carlsen at Ding.
Nakalaan ang $60,000 para sa mangunguna habang may $40,000 naman ang runner-up.
Umabot si So sa semifinals ng World Chess Cup noong Setyembre sa Tbilisi, Georgia.
- Latest