8 ginto sa PSL tankers, callera bumasag ng record
MANILA, Philippines — Mainit ang simula ng Philippine Swimming League (PSL) matapos humakot ng walong ginto, limang pilak at anim na tansong medalya sa pagsisimula ng 2017 Buccaneer Invitational Swimming Championship na ginaganap sa St. Mary’s International School swimming pool sa Tokyo, Japan.
Nanguna sa kampanya si Philippine national junior record holder Micaela Jasmine Mojdeh nang kubrahin nito ang unang gintong medalya ng Pilipinas matapos pagreynahan ang girls’ 11-12 200m Individual Medley sa bilis na dalawang minuto at 32.94.
Muling humataw ang Immaculate Heart of Mary College-Parañaque sa 100m breaststroke nang itala nito ang 1:19.95 para sa kanyang ikalawang gintong medalya.
Sumisid din ng tig-dalawang gintong medalya sa kani-kanilang dibisyon sina Aubrey Tom ng Marikina Aquabears, Master Charles Janda ng Bataan at Richelle Anne Callera ng Butterfly of Novaliches.
Nangibabaw si Tom sa girls’ 9-10 100m freestyle (1:10.03) at 100m backstroke (1:18.73) habang namayagpag naman si Janda sa boys’ 8-under 50m backstroke (41.42) at 25m butterfly (18.63).
Ngunit pinakamaningning si Callera na bumasag ng rekord sa girls’ 8-under 25m butterfly kung saan nagtala ito ng 17.77 segundo para wasakin ang dating marka na 18.93. Nakaginto rin si Callera sa 25m freestyle (17.41).
“It’s just the start of the competition and we already got eight gold medals. The kids are extra motivated seeing the Filipino community here in Japan cheering for them. We’re hoping to win more gold medals in the coming days,” wika ni PSL President Susan Papa.
Nakahirit naman ng pilak sina Triza Tabamo sa girls’ 9-10 200m IM (2:53.73) at 100m freestyle (1:10.03), Aishel Cid Evangelista sa boys’ 8-under 50m breaststroke (46.86) at 25m freestyle (16.44) at Kyla Soguilon sa girls’ 11-12 100m freestyle (1:04.38).
Galing ang tanso kina Wisenheimer Academy bet Marc Bryan Dula sa boys’ 9-10 100m backstroke (1:17.64), Martina Estrella sa girls’ 9-10 200m IM (3:03.38), Arbeen Thruelen sa boys’ 11-12 100m freestyle (1:03.13), Lee Grant Cabral sa boys’ 11-12 50m butterfly (32.86), Janda sa 100m freestyle (1:22.38) at Callera sa 50m backstroke (44.16).
- Latest