^

PSN Palaro

Ateneo swak sa Final 4

Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Tuloy ang pag-angat ng Ateneo de Manila University nang harangin nito ang pagtatangka ng Far Eastern University sa pamamagitan ng 70-59 desisyon upang masungkit ang unang tiket sa Final Four kagabi sa UAAP Season 80 men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.

Nanatiling malinis ang rekord ng Blue Eagles nang dagitin nito ang ika-10 panalo - apat na panalo lamang para mawalis ang eliminasyon at makahirit ng awtomatikong silya sa finals.

Minanduhan ni Matt Nieto ang matayog na lipad ng Blue Eagles matapos tumipa ng 14 puntos, anim na rebounds, dalawang steals at isang assist habang nagparamdam ng lakas si Rafael Verano na kumana rin ng 14 markers kasama ang apat na boards, dalawang steals at isang assist.

Mabagal ang simula ng Blue Eagles na siyang sinamantala ng Tamaraws para maitarak ang 12 puntos na kalamangan.

Subalit nagpasabog ang Ateneo ng malakas na puwersa sa huling kanto tampok ang 15-2 run sa likod nina Nieto at Verano para maagaw ang bentahe sa 62-54 may limang minuto pang nalalabi.

Ito ang naging matatag na pundasyon ng Blue Eagles para makuha ang panalo.

“(It’s not an easy win), they are a legitimate Final Four team,” sambit ni Ateneo assistant coach Sandy Arespacochaga.

Lumasap ang Tamaraws ng ikalimang kabiguan sa 10 laro para manatili sa ikaapat na puwesto.

Nanguna sa FEU sina Ron Dennison na may 12 markers, Arvin Tolentino na nakahugot ng 11 at Hubert Cani na naglista ng 10.

Sa unang laro, pinana ng nagdedepensang De La Salle University ang Adamson University, 80-74 para masiguro ang ikatlong sunod na panalo at mapatatag ang kapit sa ikalawang puwesto.

Nangibabaw si Ricci Rivero na naglista ng 17 puntos, apat na rebounds at isang assist habang sinamantala ni Santi Santillan ang pagkakataong ibinigay sa kanya matapos magtala ng double-double na 16 puntos, 10 rebounds at dalawang assists para tulungan ang Archers na maikonekta ang 8-2 rekord.

“Ginawa ko lang yung pinapagawa sa akin ni coach. Sipag lang talaga, ipinakita lang namin yung attitude na natututunan namin every game,” wika ni Santillan na dating mi­yembro ng University of the Visayas Green Lancers.

Sumuporta rin si reig­ning MVP Ben Mbala na may sariling double-double na 15 markers, 17 boards at dalawang assists habang nagdagdag si Kib Montalbo ng 10 puntos.

Bagsak sa 6-4 ang A­damson subalit nanatili pa rin ito sa No. 3 spot.

Parehong may 17 puntos sina Jerrick Ahanmisi at Papi Sarr habang umiskor sina Jonathan Espeleta at Robbie Manalang ng pinagsamang 23 puntos para sa Adamson.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with