Nasa Bolts ang momentum
Agawan sa 3-2 lead
MANILA, Philippines — Matapos ang undergoal stab ni Meralco import Allen Durham sa huling 46.6 segundo ng fourth quarter ng Game Four ay dalawang magkasunod na tirada sa three-point area ang naimintis nina import Justin Brownlee at Sol Mercado para sa nagdedepensang Barangay Ginebra.
Inamin ni Brownlee na hindi sila tumawag ng timeout sa pag-aakalang maipapasok ang kanilang mga tira.
“I think we're in the heat of the moment. We see we had the opportunity where we could score,” ani Brownlee.
Itinakas ng Bolts ang dramatikong 85-83 panalo para itabla sa 2-2 ang kanilang best-of-seven championship series ng Gin Kings sa 2017 PBA Governor's Cup noong Biyernes.
Ito ang ikalawang sunod na ratsada ng Meralco matapos ibaon ng Ginebra sa 2-0 sa kanilang serye.
May tsansa ang Bolts na makalapit sa kanilang pinapangarap na kauna-unahang PBA championship sa pagsagupa sa Gin Kings sa krusyal na Game Five ngayong alas-6:30 ng gabi sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Tumipa ang two-time PBA Best import na si Durham ng 22 points sa second half, ang 12 rito ay kanyang kinamada sa third period kung saan itinayo ng Bolts ang 13-point lead, 59-46 hanggang maagaw ng Gin Kings ang 81-78 bentahe mula sa three-point play ni Japeth Aguilar.
“We're playing a tough team and they've done a good job on pinpointing our weaknesses. But we're very much okay going to Game Five,” sabi ni Ginebra coach Tim Cone.
- Latest