Muay Thai fighter lalaban sa ginto
ASHGABAT, Turkmenistan-- May tsansa ang Pilipinas na madagdagan ang dalawang gintong medalya matapos umabante sa finals si Filipino Muay Thai fighter Phillip Delarmino sa bisa ng kanyang 30-27 panalo laban kay Rusdem Bayramdurdyyew ng Turkmenistan sa kanilang -57kg semifinals match sa 5th Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG) dito sa Ashgabat, Turkmenistan.
Mas naging agresibo si Delarmino, silver medalist sa Asian Beach Games noong 2014 at second placer noong 2013 Southeast Asian Games sa Myanmar, kung saan niya pinaulanan ng mga suntok at sipa ang Turkman.
“Nahirapan din ako sa kalaban ko, pero effective naman yung game plan namin ni coach (Billy Alumno),” sabi ng 26-anyos na si Delarmino.
Makakaagawan ng tubong Iloilo City para sa gold medal si Chotichanin Kokkrachai ng Thailand na umiskor ng 30-27 panalo kay Almaz Sarsembekov ng Kazakhstan.
“Nakita na namin mga laban niya (Kokkrachai), meron kaming gameplan para sa kanya. Kaya naman, Sana makuha natin yung gold sa finals,” ani Delarmino, umabante sa quarterfinals sa Muay World Games sa Poland noong Agosto.
Ang Team Philippines ay nasa No. 13 mula sa medal count na 2 gold, 5 silver at 6 bronze medals.
Samantala, nakuntento naman sa bronze medal sina taekwondo jin Francis Aaron Agojo, natalo kay Jang Jun ng South Korea (34-9) sa -58kg semifinals, at wrestler Jefferson Manatad, nabigo kay Kazakhstan bet Aldos Kulmanbetov (5-0) sa -80kg Classic Style final four.
Tansong medalya rin ang nakuha ni Kurash grappler Al Rolan Llamas nang mabigo sa semifinals kontra kay Erkin Omurzakow ng Turkmenistan, 10-0 sa men’s -60kg weight class.
- Latest