Blaze Spikers matitikas ang import
MANILA, Philippines — Hindi pahuhuli ang All-Filipino Conference champion Petron sa recruitment ng imports dahil ipaparada nito ang tatlong mahuhusay na reinforcements sa Philippine Superliga Grand Prix na lalarga sa Oktubre 21.
Kinuha ng Blaze Spikers ang serbisyo ni American open hitter Lindsay Stalzer na naging instrumento upang mairehistro ng Foton ang back-to-back titles sa Grand Prix noong 2015 at 2016.
Malaking tulong ang pamilyaridad ni Stalzer sa sistema ng laro sa Pilipinas dahil naging bahagi rin ito ng PSL Selection na sumabak sa FIVB Women’s Club World Championship noong nakaraang taon.
Galing si Stalzer sa kampanya sa commercial league sa Indonesia kaya’t hindi na rin magiging mahirap ang pag-agapay sa klima at oras sa Maynila.
Makakasama ni Stalzer sina American wing spiker Hillary Hurley at libero Yuri Fukuda ng Japan na miyembro rin ng PSL Selection sa FIVB Women’s Club World Championship.
Naglaro naman si Hurley para sa Korea Express Corporation sa Korean Volleyball League kung saan umiiskor ito ng mahigit 30 puntos sa kanyang mga laro.
Nasilayan na rin sa aksiyon si Hurley sa commercial leagues sa Switzerland, Sweden, Puerto Rico at Finland.
Nais sanang kunin ng Petron si super import Stephanie Niemer at Alaina Bergsma subalit nakapirma ang mga ito ng kontrata sa kani-kanilang mother clubs.
Huling nagkampeon ang Petron sa Grand Prix noong 2014 nang pamunuan nina Bergsma at Brazilian setter Erica Adachi ang tropa.
- Latest