2 ginto hatid ng Jiu-jitsu fighters
MANILA, Philippines — Binigyan nina Jiu-jitsu fighters Margarita Ochoa at Annie Ramirez ng dalawang ginto ang Pilipinas sa 5th Asian Indoor and Martial Arts Games(AIMAG) na ginaganap sa Martial Arts Indoor Arena sa Turkmenistan.
Unang nagpasikat si Ochoa nang kanain nito ang ginto sa magaang na 5-0 panalo laban sa Vietnamese na si Le Thu Trang Du sa women’s Ne-waza-45kg finals sa torneong nilahukan ng 62-bansa.
“I trained everyday coming in, except on Sundays. But the most important part of my preparation was fixing my mindset,’’ ani Ochoa, isang three-time world jiu-jitsu champion.
Sumunod na tumayo sa medal stands si Ramirez makaraang igupo si Jenna Kaila Napolis, 9-0 sa all-Filipino finale ng women’s Ne-waza-55kg class.
Samantala, nagkasya sa pilak na medalya si Jiu-jitsu fighter Marc Alexander Lim na lumasap ng 0-2 kabiguan sa kamay ni Talib Saleh Mohamed Sale Alkirbi ng United Arab Emirates sa championship round ng -65kg men’s Ne-Waza.
Tinapos ng Pinoy Jiu-jitsu fighters ang kanilang kampanya sa dalawang ginto at tatlong silvers na tumabon sa kanilang nagawa noong 2013 AIMAG sa Incheon kung saan nagbulsa lamang sila ng isang ginto at dalawang bronze medals.
Sa taekwondo, nasibak sina Karen Celis, Jenar Torillas at Samuel Thomas Morrison sa quarterfinals ng kani-kaniyang dibisyon sa larong ginanap sa Taekwondo Indoor Arena.
Bigo ring makapasok sa podium si dating Asian champion Marestella Torres-Sunang na nasa ikalimang puwesto sa women’s long jump event na pinagreynahan ni Kazakhstan bet Olga Rypakova sa Indoor Athletics Arena habang hindi rin umusad sa susunod na round si Mervin Guarte sa men’s 1,500m run.
Magtatangka pang humirit ng medalya sina Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz, Dessa delos Santos, Ann Ando at Kristel Macrohon sa weightlifting.
- Latest