So puntirya ang Finals vs Chinese GM
MANILA, Philippines — Ibubuhos na ni Filipino Grandmaster Wesley So ang buong puwersa upang makahirit ng tiket sa finals sa pagharap nito kay Chinese GM Ding Liren sa semifinals ngayong araw sa 2017 FIDE (International Chess Federation) World Chess Cup na ginaganap sa Tbilisi, Georgia.
Lalaruin ang Game 1 sa pagitan nina So at Ding kung saan mag-uunahan ang dalawang chess wizards na makuha ang importanteng panalo upang makalapit sa inaasam na tiket sa championship round.
Gumawa ng kasaysayan ang 23-anyos Cavite City pride dahil ito ang kauna-unahang Pilipino na nakapasok sa Final Four ng prestihiyosong World Cup.
Bagama’t kinatawan ng United States Chess Federation si So sa naturang torneo, nananatili ang kanyang pagiging Pilipino lalo pa’t sa Pilipinas lumaki ang Pinoy player.
Base sa prediksiyon ng mga chess fans, pinapaborang manalo si So kay Ding sa kanilang semis match.
Umusad sa semis si So matapos patumbahin si 26th seed GM Vladimir Fedoseev ng Russia sa quarterfinals sa pamamagitan ng 1.5-0.5 panalo habang namayani naman si Ding kontra kay 51st seed Richard Rapport ng Hungary, 1.5-0.5.
Maghaharap naman sa hiwalay na semis match sina fifth seed GM Levon Aronian ng Armenia at eighth seed GM Maxime Vachier-Lagrave ng France.
Ginapi ni Aronian si 29th seed GM Vassily Ivanchuk ng Ukraine (1.5-0.5) habang tinalo ni Vachier-Lagrave si 16th seed GM Peter Svidler ng Russia (2.5-1.5).
- Latest