Ginto susuntukin nina Fernandez, Marcial at Tupas
KUALA LUMPUR – Inaasahan ang tatlong gintong medalya mula sa boxing sa pakikipaglaban nina two-time champion Mario Fernandez, Eumir Felix Marcial at Marvin Tupas ngayon sa finals ng boxing competition sa 29th Southeast Asian Games dito sa Malaysia International Trade and Exhibition Center (MITIC).
Target ni Fernandez ang kanyang pangatlong sunod na gintong medalya sa pakikipagsagupa kay Chat Butdee ng Thailand sa bantamweight division.
Sa ibang finals match ay makikipagtagpo naman si Marcial kontra kay Pathomsak Kuttiya ng Thailand sa middleweight class.
Pagkatapos ni Marcial ay sasabak naman si Filipino-British Marvin John Tupas laban kay Adli Hapidz Bin Mohd Fauzi ng host Malaysia sa light heavyweight class.
Ipinagpaliban ni Marcial ang paglahok sa qualifying para sa 2020 Tokyo Olympiad para lamang sa pagdedepensa ng kanyang titulo.
Bilang dating flyweight ay lumaban si Marcial sa 2011 Junior World Championships sa Astana, Kazakhstan at umangat sa lightwelterweight noong 2013 Asian Amateur Boxing Championships sa Subic Bay.
Anuman ang mangyari, sina Fernandez, Marcia at Tupas ay nakasiguro na ng silver medal sa kanilang mga weight divisions.
Tanging sina Charly Suarez, Carlo Paalam at Ian Clark Bautista lamang ang hindi lumusot sa finals sa six-man team ng ABAP.
- Latest