Ladon, Maamo handa na sa pagsabak sa AIBA World
ISTANBUL-- Handang-handa na sina Filipino fighters Rogen Ladon at Dannel Maamo na makipagrambulan sa mga pinakamahuhusay na boksingero sa AIBA World.
Sisimulan nina Ladon, kumampanya noong 2016 Rio Olympic Games, at Maamo, nakakuha ng tiket mula sa matagumpay na paglahok sa 2017 World Championships sa Hamburg, Germany, ang kanilang krusada sa Biyernes.
Ito ang pagkakataon ni Maamo para maipakita ang kanyang husay.
“Hindi basta-basta tournament ito kaya't todo kami dito,” wika ni Maamo sa boxing event na lalahukan ng 300 amateur pugs sa buong mundo.
Sina Ladon at Maamo ay gagabayan nina national coaches Nolito Velasco at Ronald Chavez.
Unang sasabak si Ladon ng Bago City sa aksyon sa Biyernes kasunod si Maamo ng Cagayan de Oro City sa Sabado.
Kasama sana nina Ladon at Maamo si Felix Eumir Marcial na nakasuntok din ng tiket sa nakaraang Asian qualifying noong Mayo ngunit isinama sa koponang lumalaban ngayon sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur.
- Latest